BAGONG UMAGA
Mapayapang araw ng Miyerkules ginigiliw kong kapatid kay Kristo. Ikadalawampu’t anim ngayon ng Hulyo, Kapistahan nina San Joaquin at Santa Ana, mga magulang ng Mahal na Birheng Maria. Kilala sila sa kanilang kapanahunan bilang mga banal. Dahil dito, ipinagkatiwala sa kanila ng Panginoon na maging magulang ng ating Mahal na Birhen na hinirang Niya na maging ina ni Hesus. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul! Atin nang pagnilayan ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata Labintatlo, talata labing-anim hanggang labimpito.
EBANGHELYO: Mt 13:16-17
Mapapalad ang inyong mga mata na nakakakita at ang inyong mga tenga na nakakarinig.
Sapagkat tunay na sinasabi ko nga sa inyo na hinangad ng maraming propeta at matutuwid na tao na makita ang inyong nakikita at hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig at hindi nila narinig.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Nakakaaliw panoorin ang nag-uusap na mag nanay sa isang terminal, gamit ang sign language. Napansin ko na nakapagsasalita ang maliit na batang, pilit na kinakausap ang kanyang nanay, gamit ang sign language. Ito lamang ang paraan upang maunawaan siya ni Nanay. Napakaingay sa terminal, kaya sa kanyang anak lamang siya nakatuon. Sa Mabuting Balita ngayon, narinig nating sinabi ni Hesus, “Pinagpala kayo, sapagkat nakakakita ang inyong mga mata at nakakarinig ang inyong mga tainga! Blessed, mapalad o pinagpala tayong mga nakakikita ng ganda ng mundo at nakaririnig ng huni ng ibon! Mga kapatid, ilan sa mga nakapaligid sa atin, ang pisikal na hindi nakakakita o nakakarinig; at yung iba, nagbubulag-bulagan o nag bibingi-bingihan lamang. Naipagpasalamat na ba natin sa Panginoon, ang biyaya ng ating paningin at pandinig? Saan natin ginagamit ang ating mga mata, tenga? Ilang oras ba bawat araw ang ginugugol natin sa ating cellphone, sa pag-check kung ilan ang nag LIKE sa posts, sino ang nag message, o panonood ng videos sa youtube? Kung kaya’t nakakaligtaan na natin ang higit na pangangailangan, ng mga nakapaligid sa atin. Nakakalimutan na nating magdasal bago kumain, dahil kahit nasa hapag na tayo, nakatuon pa rin tayo sa ating gadgets. Naaayon kaya ito sa layunin ng Panginoon sa pagpapala sa atin ng malusog na mga mata at tenga? Kapatid, suriin natin ang ating sarili, ginagamit ba natin ang ating paningin at pandinig upang magbahagi ng pagpapala sa iba? Hilingin natin ang tulong ng Panginoong Hesus, na gamitin ang mga ito upang tunay nating makita at marinig ang kanyang kaloobang gamitin ang mga pagpapalang ito, upang maging handang maglingkod sa sino mang nangangailangan, Amen.