Daughters of Saint Paul

HULYO 27, 2023 – HUWEBES NG IKA-16 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON

BAGONG UMAGA

Magandang buhay ginigiliw kong kapatid kay Kristo! Pasalamatan natin ang Diyos sa panibagong araw at buhay, at sa mga biyayang inilaan Niya sa atin para sa araw na ito.  Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata Labintatlo, talata sampu hanggang Labimpito.

EBANGHELYO: Mateo 13: 10-17

Lumapit kay Hesus ang mga alagad at nag tanong “Bakit sa pamamagitan ng mga talinhaga ka nag sasalita sa kanila? Sumagot si Hesus: “Sa inyo ipinag kaloob ang malaman ang lihim ng kaharian ng langit, ngunit hindi sa kanila. Sapagkat bibigyan pa ang mayroon na, at sasagana siya. Ngunit kung wala siya, aagawin kahit na ano na sa kanya. Kaya nag sasalita ako sa kanila ng patalinghaga, sapagkat tumitingin sila pero walang nakikita, nakakarinig sila pero hindi nakikinig o nakauunawa. Sa kanila natutupad ang mga salita ni propeta Isayas. Makinig man kayo ng makinig, hindi kayo nakauunawa. Tumingin man kayo ng tumingin, hindi kayo nakakakita. Pinatigas nga ang puso ng mga taong ito. Halos walang naririnig ang kanilang mga tainga. At walang nakikita ang kanilang mata at kung makakakita ang kanilang mata at makarinig ang kanilang tainga at makaunawa ang kanilang puso. Upang bumalik sila at pagalingin ko sila. Ngunit mapapalad ang inyong mga mata na nakakakita at ang inyong mga tainga na Makakarinig. Sinasabi ko nga sa inyo na maraming propeta at mabubuting tao ang may gustong makakita ang nakikita ninyo ngayon peru hindi nila nakita at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig.

PAGNINILAY

Isinulat ni Clark Vincent Ga-as ang pagninilay sa ebanghelyo.  Bakit nga ba gumagamit si Hesus ng mga talinghaga? Mga kapatid, walang intensyon si Hesus na iligaw tayo sa katotohanan, o di kaya’y maniwala tayo sa mga pekeng balita. Ang nais ni Hesus, maging open-minded tayo sa Salita ng Diyos. Pinuna niya ang mga may mata, pero bulag sa katotohanan, at ang mga nakikinig, pero hindi naririnig ang tunay na mensahe ng ebanghelyo. Patunay nito, ang hindi nila pagkakilala kay Hesus bilang Mesiyas.  Naging bingi at bulag sila sa kanyang salita. Isa ito sa mga dahilan, bakit siya nagsasalita ng patalinghaga sa mga tao, pero hindi sa kanyang mga disipulo.  “Dahil ang kaalaman sa mga hiwaga ng Kaharian ng Langit ay ipinagkaloob sa mga disipulo, pero hindi sa lahat ng tao.” Kapanalig, gaano ka kabukas sa pagtanggap ng katotohanang ipinapahayag ng ating Panginoong Hesus bilang ating Mesiyas at Tagapagligtas?  Binabago ka ba ng kanyang salita na iyong pinakikinggan at pinagninilayan araw-araw?  

PANALANGIN

Panginoong Hesus, buksan Mo po ang aking puso at isipan upang manalig sa ipinahayag Mong katotohanan. Hilumin Mo po ang aking pagkabulag at pagkabingi, na makita at marinig ang Iyong mahiwagang pagkilos sa kasalukuyang mundo. Dagdagan Mo po ang aking pananampalataya, lalo na sa mga pagkakataong ako din po ay nagdududa, na tunay kayong Buhay at nananatili sa aming piling, Amen.