Daughters of Saint Paul

AGOSTO 6, 2023 – IKA-18 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (A) | Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon

BAGONG UMAGA                                                                                                   

Purihin ang Diyos sa Kapistahan ng Pagbabagong-Anyo ng Panginoong Hesus.  Siya ang kaningningan ng Ama at ang ganap na larawan ng Kanyang pagka-Diyos.  Siya ang nagtataguyod sa lahat ng sangnilikha sa pamamagitan ng Kanyang makapangyarihang salita, at lumilinis sa ating mga sala.   Ipinagdiriwang din natin ngayon ang Parish Priest’s Day…  Taos-puso nating batiin ang ating mga kura-paroko, ng Happy Parish Priest’s Day at ipagdasal ang kanilang mabubuting intention at hangarin para sa kabutihan ng sambayan ng Diyos na kanilang pinaglilingkuran. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata Labimpito, talata isa hanggang siyam.

EBANGHELYO: Mt 17: 1-9

Isinama ni Jesus sina Pedro, Jaime at ang kapatid nitong si Juan, at umakyat na sila lamang ang kasama sa isang mataas na bundok. Nagbago ang anyo ni Jesus sa harap nila: nagningning gaya ng araw ang kanyang mukha at kuminang na puting-puti ang kanyang damit gaya ng liwanag. At nagpakita sa kanila sina Moises,Elias na nakikipag-usap kay Jesus. Kaya nagsalita si Pedro at sinabi niya: “Panginoon, mabuti at narito tayo. Kung gusto mo, gagawa ako ng tatlong kubol: isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias. Nagsasalita pa si Pedro nang takpan sila ng isang makinang na ulap. At mula sa ulap ay narinig ang salitang ito: “Ito ang Aking Anak, ang Minamahal, ang aking Hinirang; pakinggan ninyo siya.” Nang marinig iyon ng mga alagad, napasubsob sila sa lupa, na takot na takot. Ngunit nilapitan sila ni Jesus at hinipo, at sinabi: “Tumayo kayo, huwag matakot.” At pagtingala nila, wala silang nakita liban kay Jesus. At sa pagbaba nila mula sa bundok, inutusan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang pangitain hanggang maibangon ang Anak ng Tao mula sa mga patay.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Rolly Garcia Jr., Director ng Biblical Apostolate ng Archdiocese of Manila ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Ang pagkilala ng Diyos sa Kanyang Anak na lubos Niyang kinalulugdan, ay isang patunay na si Hesus ay higit sa lahat ng mga propeta at higit sa lahat ng mga nilalang. Ipinapahayag ng Diyos Ama sa mga salitang ito, na Si Hesus ang pinakadakilang pagpapahayag ng Kanyang sarili, at ng Kanyang kaharian sa mundo.  Sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Pagbabagong Anyo ng Panginoon, inaanyayahan tayong kilalanin at tanggapin si Hesus, bilang ating Tagapagligtas. Inaanyayahan tayo na sundin, ang Kanyang mga salita at sundin ang Kanyang mga utos.  Magpahayag tayo ng pagsamba at pasasalamat sa Diyos, para sa Kanyang pag-ibig na walang katulad.  Mga kapatid, sa pamamagitan ng Kanyang pagbabagong anyo, ipinakita ni Hesus ang Kanyang kaluwalhatian at kapangyarihan sa ating mga buhay. Ito ay isang pagkakataon upang purihin, sambahin, at magpatuloy sa pagsunod sa Kanya. Amen.