BAGONG UMAGA
Isang masigla at puno ng pag-asang araw ng Lunes minamahal kong kapatid kay Kristo. Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul! Simulan natin ang bagong araw sa pagninilay ng Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata Labing-apat, talata Labintatlo hanggang dalawampu’t isa.
EBANGHELYO: Mt 14: 13-21
Nang marinig ni Jesus ang pagkamatay ni Juan Bautista, lumayo siya at namangka na sila-sila lang patungo sa ilang na lugar. Ngunit nalaman ito ng mga tao at sumunod sila sa kanya na naglalakad mula sa kanilang mga bayan. Pagdating ni Jesus sa pampang, nakita niya ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila. At pinagaling niya ang mga maysakit. Nang hapon na ‘yon, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi: “Nasa ilang na lugar tayo at lampas na ang oras. Paalisin mo na ang maraming taong ito para makapunta sila sa mga nayon at makabili ng kani-kanilang pagkain.” Ngunit sumagot si Jesus: “Hindi na nila kailangang umalis pa; kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” “Wala kami rito kundi limang tinapay at dalawang isda.” “Akin na.” At iniutos niyang maupo sa damuhan ang makapal na tao. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa Langit, nagpuri, hinati ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad; at ibinigay rin nila sa mga tao. At kumain silang lahat at nabusog, at inipon nila ang mga natirang pira-piraso—labindalawang punong basket. Mga limanlibong lalaki ang napakain bukod pa sa mga babae at mga bata.
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. “Kayo ang magbibigay sa kanila ng makakain”. Ito ang tugon ni Hesus sa mungkahi ng kanyang mga alagad na papuntahin ang mga tao sa nayon upang bumili ng kanilang makakain. Malasakit ang naramdaman ko sa desisyong ito ni Hesus. Pagod at gutom na nga, ang mga taong sumunod at nakinig sa kanyang pangangaral. Baka himatayin pa sa daan ang iba sa kanila. Sa paningin ng mga alagad ni Hesus, hindi nila kayang pakainin ang napakaraming tao, dahil limang tinapay at dalawang isda lamang ang meron sila. Mga kapatid, sa ilang taong paglilingkod ko sa Diyos bilang madre, napagtanto ko, na kapag kalooban ng Diyos ang isang gawain, walang imposible. Malimit din akong magreklamo, kapag overwhelming ang demand Nya sa akin. Pero gaya ng mga alagad, kahit konti lang ang meron ako, kapag pumayag ako sa kalooban ng Diyos, gagamitin Nya ang anumang kaya kong ibigay, upang mapangyari ang kanyang kalooban. Mga kapatid, hindi hihingi ang Diyos sa atin, ng labis sa ating kakayahan. Huwag sana tayong matakot tumugon, sa mga hinihiling sa atin ng Diyos. Magtiwala tayo, na kapag kalooban ng Diyos ang ating ginagawa, laging sapat ang kanyang grasya, sa anumang gawain. Hayaan nating gamitin tayo ng Diyos, upang maipadama Nya sa mga tao, ang kanyang malasakit at pagmamahal.