Daughters of Saint Paul

AGOSTO 8, 2023 – MARTES SA IKA-18 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON  |  Santo Domingo, pari

BAGONG UMAGA

Mapagpalang araw ng Martes ginigiliw kong kapatid kay Kristo.  Ika-walo ngayon ng Agosto, ginugunita natin si Santo Domingo na isang pari.  Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito, at sa tulong ng kanyang panalangin, hilingin natin ang katatagan ng pananampalatayang harapin ang mga unos at bagyong dumarating sa ating buhay kasama si Hesus.  Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata Labing-apat, talata dalawampu’t dalawa hanggang tatlumpu’t anim.

EBANGHELYO: Mt 14:22-36

Pinasakay ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. At pagkaalis ng mga tao, mag-isa siyang pumunta sa kaburulan para manalangin. Nag-iisa siya roon nang gumabi. Samantala, malayo na sa lupa ang bangka, sinasalpok ng mga alon sapagkat pasalungat ang hangin. Nang madaling-araw na, pinuntahan sila ni Jesus na naglalakad sa dagat. Nang makita nila siyang naglalakad sa dagat, natakot sila, at akala nila’y multo siya. Kaya sumigaw sila. Ngunit agad niyang sinabi sa kanila: “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot.” Sumagot si Pedro: “Panginoon, kung ikaw nga, papuntahin mo ako sa iyo na naglalakad sa tubig.” “Halika.” Bumaba naman sa bangka si Pedro at naglakad sa tubig papunta kay Jesus. Ngunit natakot siya sa harap ng malakas na hangin at lumulubog na. Kaya sumigaw siya: “Panginoon, iligtas mo ako!” Agad na iniunat ni Jesus ang kanyang kamay at hinawakan siya, at sinabi: “Taong kakaunti ang pananampalataya, bakit ka nag-aalinlangan?” Nang nakasakay na sila sa bangka, tumigil ang hangin. At yumuko sa harap ni Jesus ang mga nasa bangka at sinabi: “Totoo ngang ikaw ang Anak ng Diyos!” Pagkatawid nila, dumating sila sa pampang ng Genesaret. Nakilala si Jesus ng mga tagaroon at ipinamalita nila sa buong kapaligiran. Kaya dinala nila sa kanya ang mga maysakit. May nakiusap sa kanya na mahipo man lamang sana nila ang laylayan ng kanyang damit, at gumaling ang lahat ng humipo rito.

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Gemmaria de la Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Kapatid, may “comfort boat” ka ba, na minsan nagawa mo nang iwan? Ito ang mga bagay na nakakasanayan nating gawin, dahil akala natin, iyon ang tama. At ngayon, inaanyayahan tayong muling iwan ang ating bangka, at buo ang loob na lumakad sa tubig, tulad ni Pedro. Halimbawa, ang pagiging matampuhin. Matuwa tayo sa mga unang attempts na makakayanan natin. Ang pakabantayan ay ang pagkalito sa alon ng pagsubok at tukso.  May bulong na galing sa kalooban na: “Bakit hindi ako magtatampo, eh sinaktan niya ako.” O kaya, “Ayoko nang gawin ito, baka pagtawanan ako.” Kung padadala tayo dito, para na tayong si Pedro na nagambala at nawalan ng paniniwala sa sarili, at higit sa lahat, ang pananampalataya sa Diyos. Kaya’t pokus lang kay Hesus Maestro, tuturuan Niya tayong humakbang nang may matatag na loob sa gitna ng magalaw na alon.