Daughters of Saint Paul

AGOSTO 13, 2023 – IKA- 19 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON              

BAGONG UMAGA

Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa Ika-Labingsiyam na Linggo sa Karaniwang Panahon sa ating Liturhiya.  Pasalamatan natin Siya sa isang-Linggong nagdaan, lalo na sa patuloy Niyang pag-iingat at pagliligtas sa atin sa kapahamakan.  Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata Labin-apat talata dalawampu’t dalawa hanggang tatlumpu’t tatlo.

EBANGHELYO: Mt 14: 22-33

Pinasakay ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. At pagkaalis ng mga tao, mag-isa siyang pumunta sa kaburulan para manalangin. Nag-iisa siya roon nang gumabi. Samantala, malayo na sa lupa ang bangka, sinasalpok ng mga alon sapagkat pasalungat ang hangin. Nang madaling-araw na, pinuntahan sila ni Jesus na naglalakad sa dagat. Nang makita nila siyang naglalakad sa dagat, natakot sila, at akala nila’y multo siya. Kaya sumigaw sila. Ngunit agad niyang sinabi sa kanila: “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot.” Sumagot si Pedro: “Panginoon, kung ikaw nga, papuntahin mo ako sa iyo na naglalakad sa tubig.” “Halika.” Bumaba naman sa bangka si Pedro at naglakad sa tubig papunta kay Jesus. Ngunit natakot siya sa harap ng malakas na hangin at lumulubog na. Kaya sumigaw siya: “Panginoon, iligtas mo ako!” Agad na iniunat ni Jesus ang kanyang kamay at hinawakan siya, at sinabi: “Taong kakaunti ang pananampalataya, bakit ka nag-aalinlangan?” Nang nakasakay na sila sa bangka, tumigil ang hangin. At yumuko sa harap ni Jesus ang mga nasa bangka at sinabi: “Totoo ngang ikaw ang Anak ng Diyos!” Pagkatawid nila, dumating sila sa pampang ng Genesaret. Nakilala si Jesus ng mga tagaroon at ipinamalita nila sa buong kapaligiran. Kaya dinala nila sa kanya ang mga maysakit. May nakiusap sa kanya na mahipo man lamang sana nila ang laylayan ng kanyang damit, at gumaling ang lahat ng humipo rito.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Rolly Garcia Jr., Director ng Biblical Apostolate ng Archdiocese of Manila ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Maraming aral ang mapupulot sa ating Ebanghelyo ngayon.  Isa sa mga ito ay ang katotohanang si Hesus ay tunay na makapangyarihan, at nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan ang lahat ng sangnilikha.  Kaya naman kayang-kaya niyang lumakad sa ibabaw ng tubig.   Ang isa pang aral ay ang katotohanang hindi madamot si Hesus. Ibinahagi niya ang kanyang kapangyarihan sa kanyang mga alagad.  Kaya naman maging si Pedro, kahit sa isang saglit, ay nagawa ding maglakad sa ibabaw ng tubig.  Mga kapatid, bilang mga binyagan, mayroon tayong kakayahang tumulad kay Hesus.  Katulad ni Pedro, kaya rin nating sumunod sa yapak ng ating Panginoon.  Kailangan lamang nating manampalataya at manalig sa kanya!  At upang magawa din nating “lumakad sa ibabaw ng tubig”, sikapin nating palayain ang ating mga sarili, mula sa anumang takot o pangamba na mayroon tayo.  Kay Hesus lamang tayo tumingin at huwag nang lumingon pa kung kani-kanino o kung saan-saan.  Mga kapatid, bilang mga tagasunod ni Hesus, inaasahan tayo ng Diyos na magpalaganap ng mabuting balita. Huwag tayong matakot na magpahayag.  Ipahayag natin na ang ating Diyos ay makapangyarihan at sa kanyang kadakilaan, ibinabahagi niya ang kapangyarihan ito sa atin.  Amen.