BAGONG UMAGA
Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa Ika-Dalawampung Linggo sa Karaniwang Panahon ng ating Liturhiya. Pasalamatan natin Siya sa isang linggong nagdaan, sa mga biyaya at pagpapala… lalo’t higit sa Kanyang buhay na Salita, na patuloy na nagpapalakas sa atin, na huwag bibitaw sa ating pananampalataya, at manalig sa kagandahang–loob ng Diyos. Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Maririnig natin ang tagpo ng pagsumamo ng isang babaeng Kananea kay Hesus na pagalingin ang kanyang anak, sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata Labing-lima, talata dalawampu’t isa hanggang dalawampu’t walo.
EBANGHELYO: Mt 15:21-28
Pumunta si Jesus sa gawing Tiro at Sidon. May isang babaeng Kananea noon na nagpunta sa dakong iyon at sumigaw: “Panginoon, anak ni David maawa ka sa akin! Pinahihirapan ng isang demonyo ang anak kong babae.” Ngunit hindi siya tinugon ni Jesus kaya lumapit ang kanyang mga alagad at hiniling ng mga ito. “Paalisin mo na siya’t sigaw s’ya nang sigaw sa likod natin.” “Sa nawawalang tupa ng bayan ng Israel ako sinugo.” Ngunit lumapit ang babae at lumuhod sa harap ni Jesus at sinabi: “Ginoo, tulungan mo ako!” “Hindi tama na kunin ang tinapay sa mga bata at itapon ito sa mga tuta.” “Totoo nga, Ginoo, pero kinakain naman ng mga tuta ang mga nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga amo.” “Babae, napakalaki ng iyon pananalig! Maganap sa iyo ayon sa nais mo.” At nang oras ding iyon, gumaling ang kanyang anak.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Fr. Rolly Garcia Jr., Director ng Biblical Apostolate ng Archdiocese of Manila ang pagninilay sa ebanghelyo. Sa ating Mabuting Balita ngayon, napakinggan natin ang pagtatagpo ni Hesus at ng isang babaeng Canaanita. Bagamat siya’y hindi Judio, ipinahayag ng babae ang kanyang pananampalataya kay Hesus, na nauwi sa paggaling ng kanyang anak. Ang kwentong ito ay paalala sa atin, na ang Diyos ay hindi nagdi-discriminate batay sa lahi, uri, o katayuan sa lipunan. Ang kanyang biyaya at kaligtasan ay para sa lahat ng mga taong may pananalig at pagtitiwala sa kanya. Mga kapatid, napakahalaga ng pananalig at pagtitiwala, na ipinakita ng babaeng Canaanita. Inaanyayahan tayo ngayon na tumulad sa kanya. Kailangan nating patatagin ang ating pananalig at pagtitiwala sa Diyos. Kailan ba natin masasabing tayo ay nananalig? Kailan ba natin masasabing tayo ay nagtitiwala? Nagpapakita tayo ng pananalig at pagtitiwala, kapag sa kabila ng maraming pagsubok ay isinasalalay pa rin natin ang ating buhay sa kamay ng Diyos at sinasabi natin, “Hindi ako pababayaan ng Diyos!” “Hindi natutulog ang Diyos!” Tandaan natin: Ang pananalig at pagtitiwala, ay hindi lamang pananampalataya ng puso. Ang pananalig at pagtitiwala, ay ang puso ng pananampalataya! Amen.