Daughters of Saint Paul

AGOSTO 21, 2023 – LUNES SA IKA-20 LINGGO NG KARANIWANG PANAHO  |  San Pio X, papa

BAGONG UMAGA

Isang masigla at puno ng pag-asang araw ng Lunes minamahal kong kapatid kay Kristo. Ika-dalawampu’t isa ngayon ng Agosto, ginugunita natin si San Pio X na isang papa.  Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito, at sa tulong ng kanyang panalangin hilingin natin ang makalangit na karunungang matanto na wala sa tagumpay, mga ari-arian at materyal na bagay ang tunay na kaligayahan, kundi tanging sa Diyos/ na Siyang makapupuno sa puwang ng ating puso.   Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata Labing-siyam, talata Labing-anim hanggang dalawampu’t dalawa.  

EBANGHELYO: Mt 19:16-22

Lumapit kay Jesus ang isang binata at nagtanong: “Guro, anong mabuti ang dapat kong gawin para makamit ang buhay na walang hanggan?” “Bakit tungkol sa mabuti ang tanong mo? Iisa lang ang Mabuti. Kung gusto mong pumasok sa buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos.”  “Anong mga utos?” “Huwag papatay, huwag makiapid, huwag magnakaw, huwag manirang-puri ng kapwa, igalang ang iyong ama at ina at mahalin ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili.’” “Sinunod ko ang lahat ng ito, ano pa ang kulang ko?” “Kung gusto mo maging ganap, umuwi ka’t ipagbili ang mga ari-arian mo at ibigay ang pera sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa Langit. At saka ka bumalik para sumunod sa akin.” Pagkarinig ng binata sa pahayag na ito, umalis siyang malungkot sapagkat napakayaman niya.

PAGNINILAY

Narinig nating sinabi ng Panginoong Hesus sa ebanghelyo: “Kung gusto mong maging ganap, ipagbili mo ang mga ari-arian mo at ibigay ang pera para sa mga dukha.  At saka ka bumalik para sumunod sa akin.”  Mga kapatid, hindi natin makakamtan ang kaganapan at lubos na kasiyahan sa mga bagay na pag-aari natin.  Makamtan man natin pinakaaasam asam nating materyal na bagay, o makamit man natin ang rurok ng tagumpay – panandaliang saya lamang ang dulot nito sa atin. Sa paglipas ng mga araw, magsasawa din tayo sa materyal na bagay na ating nakamtan, at humuhupa na rin ang galak at siya ng tagumpay na ating tinamo.  Tunay na wala sa kayamanan, o tagumpay ang kaligayahan.  Panandalian lamang ang saya na ibinibigay sa atin ng mga ito, dahil tanging ang Diyos lamang ang tunay na makapupuno ng puwang sa ating puso.  Kapatid, gusto mo bang maging tunay na maligaya?  Ibahagi mo ang iyong kayamanan at sarili. Sundin mo ang mapagkalingang pagmamalasakit ng Panginoon sa mga dukha at masusulyapan mo ang ligayang ipinangako ni Kristo.

PANALANGIN

Panginoon, huwag ko nawang ihihilig ang aking puso sa mga bagay na materyal at panandalian lamang, kundi sa mga gawaing makakatulong upang magkamit ng espiritwal na yaman.  Basbasan Mo po ang aking mabubuting hangarin na maging daluyan ng Iyong biyaya at pagpapala sa aking kapwa, sa abot ng aking makakaya.  Amen.