Daughters of Saint Paul

AGOSTO 29, 2023 – MARTES SA IKA-21 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON | Ang Pagpapakasakit ni San Juan, ang Tagapagbinyag, martir

BAGONG UMAGA

Mapagpalang araw ng Martes ginigiliw kong kapatid kay Kristo.  Ika-dalawampu’t siyam ngayon ng Agosto, ginugunita natin ang pagpapakasakit ni San Juan, naTagapagbinyag, at martir.  Nagbuwis ng buhay si San Juan Bautista dahil sa kanyang hayagang pagtuligsa sa maling pagsasama nina Herodes at Herodias. Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata anim, talata Labimpito hanggang dalawampu’t siyam.

EBANGHELYO: Mk 6:17-29

Si Herodes ang nagpahuli kay Juan, at ipinakadena ito sa kulungan dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe.Pinakasalan ni Herodes si Herodias at sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi mo pwedeng kasamahin ang asawa ng iyong kapatid.” Talaga ngang matindi ang galit ni Herodias kay Juan at gusto niya itong patayin pero hindi niya magawa. Iginagalang ni Herodes si Juan dahil itinuturing niya itong mabuti at banal na tao, kaya pinanatili niya itong buhay. Nalilito matapos makinig kay Juan, gayunma’y gusto pa rin niya itong marinig. At nagkaroon ng pagkakataon sa kaarawan ni Herodes nang maghanda siya para sa kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo at mahahalagang tao sa Galilea. Pagpasok ng anak ni Herodias, nagsayaw ito at nasiyahan naman sa kanya si Herodes at lahat ng nasa handaan. Sinabi ng hari sa dalagita: “Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingiin mo,  kahit na ang kalahati ng aking kaharian.” Lumabas ang anak at tinanong ang kanyang ina: “Ano ang hihingin ko?” “Ang ulo ni Juan Bautista.” Agad niyang pinuntahan ang hari at sinabi: “Gusto kong ibigay mo sa akin agad  ang ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha.” Nalungkot ang hari dahil sa sinumpaan niyang pangako sa harap ng mga bisita ngunit ayaw niyang tumanggi. Kaya iniutos ng hari sa isa niyang guwardiya na dalhin si Juan. Pinugutan nito si Juan sa kulungan, inilagay sa isang bandeha ang kanyang ulo, ibinigay sa dalagita at ibinigay naman ito ng dalagita sa kanyang ina. Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, dumating sila para kunin ang kanyang katawan at inilibing.  

PAGNINILAY

Isinulat ni Miss Rona Lyn de Guzman ang pagninilay sa ebanghelyo.  Sa narinig nating Mabuting Balita, hindi kagustuhan ni Herodes na ipapatay si Juan Bautista, pero dahil sa isang pangako kailangan niyang gawin iyon. Magka ganun pa man, nakita natin na ang kamatayan ni San Juan Bautista ay nagbunga ng mas marami at malalim na pananampalataya. Nawa’y matularan natin ang kanyang katapangan. Katapangan sa pagsasabi ng katotohanan.  Isa ito sa mga kailangan natin ngayon. Marami ang hindi gumagawa ng tama sa ating paligid. Kapag ganito ang nakita natin hindi tayo dapat pangunahan ng takot upang sabihin kung ano ang katotohanan. Kahit pa ang maging kapalit nito ay ang ating buhay. Palagi tayong manindigan sa katotohanan, at huwag ipagpalit ang prinsipyo sa kahit ano pa man. Magalit man ang lahat ng tao sa atin sa mundong ito, ang mahalaga ginawa natin ang tama, at ang tungkulin natin, dahil sa Diyos tayo mananagot sa takdang panahon.  

PANALANGIN

Panginoon turuan mo po kami na maging matapang, sa pagsabi ng katotohanan, dahil ito ang tama at nararapat. Matularan nawa namin si San Juan Bautista na naging matapang at handang isiwalat kung ano ang katotohanan. Amen.