Daughters of Saint Paul

AGOSTO 30, 2023 – MIYERKULES SA IKA-21 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON | Santa Juana ((Jeanne) Jugan

BAGONG UMAGA

Mapayapang araw ng Miyerkules minamahal kong tagasubaybay ng programang ito.  Dakilain natin ang Diyos na Mapagkalinga at Mapagmahal!  Pasalamatan natin Siya sa mga biyayang inilaan Niya sa atin para sa araw na ito.  Ihabilin din natin sa Kanya ang mabubuti nating hangarin sa buong maghapon, at hilinging pangunahan tayo sa pagtupad ng ating mga tungkulin at pagdedesisyon.  Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Panawagang huwag mapagkunwari, at laging magpakatotoo ang hamon ng Mabuting Balita ngayon ayon kay San Mateo kabanata dalawampu’t tatlo, talata dalawampu’t pito hanggang tatlumpu’t dalawa.

EBANGHELYO: Mt 23:27-32

At sinabi ni Jesus: “Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Para kayong mga pinaputing libingan na maganda sa labas subalit puno ng buto ng mga patay at ng iba pang karumihan ang loob. Gayundin naman, mukha kayong mga taong banal subalit puno naman ng pagkukunwari at kasamaan ang kalooban. Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nagtatayo kayo ng mga monumento para sa Mga Propeta at pinapalamutian ang mga bantayog ng mga banal na tao. Sinasabi ninyo: ‘Kung tayo ang nabuhay sa panahon ng ating mga ninuno, hindi sana sumang-ayon na patayin ang mga Propeta.’ Kaya kayo ang umaamin na mga anak kayo ng mga pumatay sa Mga Propeta. At ngayon, tapusin ninyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno.

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  “Sawimpalad kayo, mga Eskriba at mga Pariseo, mga mapagbalatkayo! Sapagkat katulad ninyo ang mga libingang pinaputi, na sa labas ay magaganda ang anyo ngunit sa loob ay puno ng mga buto ng mga patay at ng lahat ng bulok”. Ito ang winika ng ating Panginoong Hesus sa unang bahagi ng ating pagbasa. Patunay lamang ito na maging ang Panginoong Hesus ay galit sa mga taong mapagbalatkayo. Ang mga taong katulad nito ay hindi mo lubusang makikilala, dahil itinatago nila ang tunay na pagkatao. Maaari tayong mainis o magalit sa mga ganitong tao, kapag natuklasan nating fake pala ang pagkakakila natin sa kanya.  Mga kapatid, walang tunay na kapayapaan ang taong mapagbalatkayo. Hindi siya tunay na malaya, dahil ikinukubli niya kung sino at kung ano talaga siya.  Pero sa harap ng Panginoon, wala tayong maitatago.  Kilalang-kilala Niya tayo, nang higit pa sa pagkakakilala natin sa ating sarili.  Nawa’y hilingin natin sa Panginoon, na baguhin ang ugali nating mapagbalatkayo.  At tulungan tayong magpakatotoo sa lahat ng oras at pagkakataon.   Nang sa gayon, mamumuhay tayong may kapayapaan ng puso at isip, at may mabuting pakikipag-ugnayan sa Diyos at sa ating kapwa.  Hilingin natin sa Panginoon ang biyayang ito.  Amen.