Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 5, 2023 – MARTES SA IKA-22 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON | Santa Teresa ng Calcutta

BAGONG UMAGA

Mapagpalang araw ng Martes ginigiliw kong kapatid kay Kristo.  Pasalamatan natin ang Diyos sa biyayang masilayan muli ang ganda ng panibagong araw, na punong-puno ng kanyang pagpapala at pag-asa.  Ito po muli ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Maririnig natin ang tagpo ng pagpagaling ng Panginoong Hesus sa isang taong inaalihan ng demonyo, sa Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata apat, talata tatlumpu’t isa hanggang tatlumpu’t pito.

EBANGHELYO: Lk 4:31-37

Bumaba si Jesus sa Capernaum na isang bayan ng Galilea, kung saan niya nakaugaliang magturo tuwing Araw ng Pahinga. At nagulat ang mga tao sa kanyang aral dahil nagtuturo siya nang may kapangyarihan. May isang tao sa sinagoga na inaalihan ng maruming demonyo, na sumigaw nang malakas. “Ah, ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Para ipahamak kami kaya ka dumating. Alam ko kung sino ka, ang Banal ng Diyos!” Ipinag-utos naman sa kanya ni Jesus: “Tumahimik ka at lumabas sa kanya!” Pagkatapos ibulagta ng demonyo ang tao sa gitna nila, lumabas ito mula sa kanya nang hindi sinasaktan. Pagtataka ang sumalahat at nag-usap-usap sila: “Ano ito? Nakapag-uutos siya sa maruruming espiritu nang may kapangyarihan at lakas, at lumalabas sila!” Kayat kumalat ang usap-usapan tungkol sa kanya sa lahat ng lugar sa kabayanan.

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Sunud-sunod ang mga nagdaang bagyo na nagdulot ng malaking perwisyo sa ating kabuhayan lalo na sa mga magsasaka at mangingisda, at pinsala sa maraming lugar. Dagdag pa rito ang mga sakuna gaya ng bangkang tumaob papunta sa Isla ng Talim sa Rizal na naging sanhi ng pagpanaw ng marami. Kaya’t may nagtanong sa akin: “Nakikita pa ba kami ng Diyos? Pinaparusahan ba niya kami? Bakit niya kami hinahayaang maghirap?” // Mga kapatid, ang Panginoong Diyos ay mapagkalingang Ama. Alam Niya kung anuman ang pinagdaraanan natin, at kasama natin siya sa lahat ng pagsubok. Gaya ng narinig natin sa Mabuting Balita sa araw na ito. Ang lalaking inaalihan ng masamang espiritu ang nagtanong: “Ano ang pakialam mo sa amin, Hesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita. Ikaw ang Banal na mula sa Diyos.” Sinaway siya ni Hesus at pinalabas Niya ang demonyo mula sa lalaki nang hindi siya sinasaktan. Makapangyarihan ang pananalita ni Hesus at hindi niya tayo hahayaang masaktan. Namangha ang mga nakasaksi sa exorcism na ginawa ni Hesus – na nauwi sa pagtatanong at pagkalat ng balitang may bagong manggagamot sa Capernaum. // Nangungusap ang Diyos sa lahat ng mga pangyayari sa ating buhay –malungkot man ito o masaya, maingay o tahimik, kagila-gilalas o karaniwan. Kaya lang, madalas hindi natin siya marinig dahil nagpapadala tayo sa takot at pangamba na pinababayaan niya tayo, na wala siyang pakialam sa atin. Kapatid, buksan mo ang iyong mata upang makita ang mumunting milagro at mga anghel na ipapadala niya. At bago ka matulog mamaya, balikan mo ang mga pangyayari sa araw na ito at magpasalamat sa Kanya.

PANALANGIN

Panginoon, patatagin mo kami sa lahat ng aming pakikipagtunggali sa buhay. Manalig nawa kaming lagi sa iyong mapagpala at mapagkalingang pagmamahal.  Amen.