BAGONG UMAGA
Purihin ang Diyos sa pagdiriwang natin ngayon ng Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal ng Panginoong Hesus. Ang krus ang kinikilalang simbolo ng Kristiyanismo. Sa tuwing pinagmamasdan natin ang krus, natutunghayan natin ang buod ng kabuuang misteryo ng ating pananampalataya. Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Halina’t sambahin natin ang Kristong Hari na itinampok sa Krus para sa ating kaligtasan, sa pamamagitan ng pagninilay sa Mabuting Balita ayon kay San Juan kabanata tatlo, talata labintatlo hanggang labimpito.
EBANGHELYO: Jn 3:13-17
Sinabi ni Jesus kay Nicodemo: “Walang umakyat sa Langit maliban sa bumaba mula sa Langit— ang Anak ng Tao. Kagaya ng pagtataas ni Moises sa ahas sa ilang, gayundin naman kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ang bawat naniniwala sa kanya. Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kaya’t ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak upang hindi na mawala ang naniwala sa kanya; magkaroon nga siya ng buhay na walang hanggan. Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo, kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Fr. Rolly Garcia Jr., Director ng Biblical Apostolate ng Archdiocese of Manila ang pagninilay sa ebanghelyo. Ngayong kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal, narinig natin kung papaanong sinabi ni Hesus kay Nicodemo, na siya ang Anak ng Diyos na bumaba mula sa langit, upang iligtas ang mga tao sa pamamagitan ng kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Sinabi rin niya, na tulad ng pagtaas ni Moises sa ahas sa ilang, na naging daan upang ang mga nakagat ay gumaling, kailangan din niyang mataas sa krus, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. // Mga kapatid, ganoon na lamang ang pag-ibig ng Diyos para sa atin. Handa niyang ibigay ang kanyang bugtong na Anak para sa ating kaligtasan. Hindi niya gustong maparusahan tayo sa ating mga kasalanan, kundi ibigay sa atin ang Kanyang biyaya at awa. Isa itong biyaya na hindi tayo karapat-dapat, pero ibinigay niya sa atin nang walang bayad. Kailangan nating manampalataya kay Hesus upang makapasok sa kaharian ng Diyos. Kailangan nating tanggapin si Hesus bilang ating Panginoon at Tagapagligtas, at sumunod sa kanyang mga utos. Ang pananampalataya ay hindi lamang isang pagpapahayag ng bibig, kundi isang pagpapakita ng buhay. // Mga kapatid, ang ating Ebanghelyo ay isang paanyaya sa atin, na magtiwala kay Hesus at magpasalamat sa kanyang dakilang pag-ibig. Isa din itong hamon sa atin, na mabuhay nang alinsunod sa kanyang kalooban, at magpatotoo sa iba tungkol sa kanyang biyaya. Nawa’y maging matapat tayo sa ating pananampalataya kay Hesus, ang Anak ng Diyos na bumaba mula sa langit para sa ating kaligtasan. Amen.