Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 21, 2023 – HUWEBES SA IKA-24 NA LINGGO NG TAON | Kapistahan ni San Mateo, apostol at ebanghelista

BAGONG UMAGA

Purihin ang Diyos sa araw na ito ng Huwebes, ika-dalawampu’t isa ng Setyembre, kapistahan ni San Mateo, Apostol at Ebanghelista.  Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito at sa tulong ng kanyang panalangin hilingin nating pagalingin tayo sa’ting espiritwal na karamdaman.  Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na nating ang Mabuting Balitang ayon kay San Mateo kabanata siyam, talata siyam hanggang labintatlo.

EBANGHELYO: Mt 9:9-13

Sa paglalakad ni Jesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo si  Mateo at sumunod sa kanya. At habang nasa hapag si Jesus sa bahay ni Mateo, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang lumapit at nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad: “Bakit kumaking kasalo ng mga makasalanan at maninigil ng buwis ang inyong guro?” Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit! Sige, matutuhan sana n’yo ang kahulugan ng ‘Awa ang gusto ko, hindi handog.’ Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Fr. Eduardo Regore Jr. ng Diocese ng Daet ang pagninilay sa ebanghelyo. Bakit makasalanan si Mateo sa paningin ng mga Pariseo? Kasi isa siyang maniningil ng buwis o tax collector. Siya ang kumukuha ng buwis sa kanyang kapwa hudyo upang ibigay sa Imperyong Romano. Kaya naman itinuturing siyang taksil sa paningin nila at sakim dahil sa komisyon na kanyang nakukuha. Ito ang buhay ni Mateo bago tawagin ni Kristo, kinamumuhian dahil isang makasalanan. Pero mga kapatid, ang bawat tao ay may kakayahang magbago katulad ni Mateo, kung tatanggapin natin ang paanyaya ni Kristo “Halika, sumunod ka sa akin” akong bahala sa iyo. Naalala ko po bago ako pumasok sa seminary, katulad ako ni Mateo. Saan nga lang ba ako natagpuan at pinulot ng Diyos? Sa isang lugar na malayo at hindi kilala, galing sa magulo at mahirap na pamilya, isang mahina, may kapintasan at nabubuhay sa kasalanan. Hinusgahan din ng ibang tao, “hindi makakapari iyan, kasi hiwalay ang mga magulang, at hindi iyan tatagal, kasi walang pang paaral ang kanyang nanay”. Kung si Mateo nililibak at nilalayuan dahil makasalanan, ako naman hinusgahan dahil sa magulang at mga kakulangan. Sabi ni Archbishop Jose Palma sa kanyang homiliya nung mag ordain siya ng anim na bagong pari, “We are not worthy, but God makes us worthy of this gift not because of the qualities one possesses, but because God qualifies us”. Gaano man kaliit ang tingin natin sa sarili dahil sa ating pinagmulan, kahinaan at kasalanan, meron tayong Diyos na may malaking puso na lumilingap upang hindi tayo bumitaw sa pinili nating buhay. Huwag kayong susuko, hindi ko kayo pababayaan! iyan ang pangako ng Panginoon. Mga kapatid, “Don’t judge the book if it’s not over”. Huwag nating husgahan ang libro hangga’t hindi pa natin nababasa ng kumpleto. Hangga’t nabubuhay tayo, ang Panginoon hindi nauubusan ng magagandang plano. (Huwag tayong susuko at mawawalan ng pag-asa anuman ang masamang sabihin ng iba. Tingnan nating halimbawa ang paru paro, mula sa pagiging uod o caterpillar hanggang maging ganap ng butterfly. Hindi man maganda ang ating simula at nagawa, pero kay Kristo napapatawad ito at naitatama. Maganda yung sinabi ni Hesus sa ebanghelyo “Habag ang ibig ko at hindi hain sapagkat naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan hindi ang mga banal”. Amen.)