BAGONG UMAGA
Maligayang araw ng Sabado kapatid kay Kristo. Purihin ang Diyos na buhay! Patuloy S’yang nangungusap sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Salita. Pero anong klaseng puso ba meron tayo, na tumatanggap ng Kanyang Salita? Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata walo, talata apat hanggang labinglima.
EBANGHELYO: Lk 8:4-15
Napakakapal na tao ang nagkakatipon dahil pinuntahan si Jesus ng mga tao mula sa kani-kanilang bayan. Kaya nagsalita siya sa talinghaga: “Lumabas ang manghahasik para maghasik ng kanyang binhi. Sa kanyang paghahasik, may ilang butong nahulog sa tabi ng daan at tinapak-tapakan at kinain ng mga ibon sa Langit. Nahulog ang iba sa batuhan, at nang sumibol ay nalanta dahil sa kawalan ng halumigmig. Nahulog ang iba pang buto sa gitna ng tinikan, at sa sabay nilang paglaki, sinikil ito ng mga tinik. Nahulog naman ang iba pa sa matabang lupa at nang sumibol ay nagbunga ng tig-iisang daan” Pagkasabi nito’y sumigaw siya: “Makinig ang may tainga.” At tinanong siya ng kanyang mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinghagang ito. Kayat sinabi niya: “Sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga lihim ng kaharian ng Diyos, at sa iba nama’y sa mga talinghaga lamang para tumingin sila at hindi makakita, makinig at hindi makaunawa. Ito ang kahulugan ng talinghaga. Ang binhi ay ang Salita ng Diyos. Ang mga nasa tabi ng daan ang mga nakakarinig nito pero agad namang dumarating ang diyablo; inaagaw niya ang salita mula sa kanilang isipan upang huwag silang manalig at maligtas. Ang mga nasa batuhan ang mga nakakarinig na masayang tina tanggap ang salita. Ngunit wala silang ugat kaya sandali silang nananalig at tumitiwalag naman sa panahon ng tukso. Ang nahulog naman sa mga tinikan ay ang mga nakakarinig ngunit sa pagpapatuloy nila’y sinikil ng mga kabalisahan, ng kayamanan at ng mga kasiyahan sa buhay kaya hindi sila nakapagbunga. Ang nahulog naman sa matabang lupa ay ang mga nakakarinig sa salita at iniingatan ito nang may dakila’t mabuting loob at nagbubunga sila sa kanilang pagtitiyaga.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Mga kapatid, nais ipahiwatig sa atin ng talinghaga ng Maghahasik ayon kay San Lukas, na hindi panandalian o isahang desisyon ang pananampalataya. Hindi sapat ang sabihing: “I accept Christ as my Lord and Savior” para masabing Kristiyano ka. Kailangang makita ang pananampalataya sa pagkilos, dahil maaaring mawala ang binhi o maglaho ang Salita ng Diyos sa buhay ng sumasampalataya. Ang natatanging katangian nito ay katapatan at tiyaga. Hindi ito kumukupas sa panahon ng pagsubok, o nasasakal ng makamundong kasiyahan. Pinangangalagaan ito ng pasensiya at pagsunod sa Salita ng Diyos kaya’t lumalago at nagbubunga. Sabi nga ni San Padre Pio: “Pray, hope and don’t worry.” Kailangan natin ang pananampalatayang matiyaga, umaasa, at kumikilos nang tapat.
PANALANGIN
Panginoon, tulungan mo kaming pakinggan ang Salita ng Diyos, isabuhay ito nang may katapatan at tiyaga, upang lubusan itong magbunga na mananatili magpakailanman. Amen.