BAGONG UMAGA
Mapayapang araw ng Miyerkules minamahal kong kapatid kay Kristo. Ika-dalawampu’t pito ngayon ng Setyembre, ginugunita natin si San Vicente de Paul na isang pari, Tagapagtatag siya ng Daughters of Charity at Congregation of the mission. Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito, at sa tulong ng kanyang panalangin hilingin nating dagdagan pa ating pananampalataya upang maisakatuparan natin ang misyon na ipinagkatiwala sa atin ng Panginoon nang naaayon sa Kanyang mahal na kalooban. Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata siyam talata isa hanggang anim.
EBANGHELYO: Lk 9:1-6
Tinawag ni Jesus ang Labindalawa at binigyan sila ng lakas at kapangyarihan para supilin ang lahat ng demonyo at magpagaling ng mga sakit. Sinugo niya sila upang ipahayag ang Kaharian ng Diyos at magbigay-lunas. Sinabi niya sa kanila: “Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglakad, ni tungkod, ni supot, ni tinapay, ni salapi; huwag kayong magkaroon ni tigalwang bihisan. Sa alinmang bahay kayo nakituloy, doon kayo tumigil hanggang sa pag-alis ninyo. Kung may hindi tatanggap sa inyo, umalis kayo sa bayang iyon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa bilang sakdal laban sa kanila.” Kaya nga lumabas sila dumaan sa lahat ng bayan na nangangaral at nagpapagaling saanman.
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Mga kapatid, ang maging tagasunod ng ating Panginoong Hesus ay may isang katangiang dapat taglayin. Ito ang radikal na pagsuko ng pansariling kalooban, upang ang kalooban ng ating Panginoong Hesus ang dapat sundin. Noong pinili ang labing dalawang apostoles, binigyan sila ng kapangyarihang supilin ang demonyo at magpagaling ng mga maysakit. Sa mga gawaing ito, may tagubulin ang Panginoong Hesus na walang anumang dadalhin; ni pagkain, ni salapi, ni tungkod at iba pa sa paglalakbay. Ang tanging maging dapat na layunin ng mga apostoles ay ipalaganap ang kaharian ng Diyos. Tulad ng mga apostoles, ang mga tinatawag na maging misyonero, misyonera, pari at madre, ay nangangailangan ng mahabang panahon ng paghuhubog. Ito ang ginagawa sa ating mga seminaryo at sa mga kumbento ng mga madre. Lahat, dapat na magdaan sa pagsasanay: una, sa pananalangin, sa mga katuruan ng Simbahan, sa kaalaman ng espiritwalidad ng kongregation, sa pakikipagkapwa tao at sa paghuhubog ng sarili bilang tao. Hindi madali ang maging tagapangaral ng Salita ng Diyos sa mga panahon ngayon. May mga pagkakataon na ang social media at makabagong teknolohiya ay nagdudulot ng hindi malinaw na aral na dapat din nating ituwid. May mga pagkakataon din, na nababaluktot ang katotohanan at ang hindi tamang pang- unawa ay lumalaganap. Manalangin tayo, upang pagkalooban tayo ng mga kabataang susunod sa yapak ng mga taong naglilingkod at nangangaral ng Salita ng Diyos. Ipanalangin natin ang ating Sto. Papa, Pope Francis, mga obispo, pari, misyonero, misyonera upang maging matatag sa kanilang banal na gawain. Amen.