Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 29, 2023 – BIYERNES SA IKA-25 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON  | Kapistahan nina San Miguel, San Gabriel, at San Rafael, mga arkanghel

BAGONG UMAGA

Purihin ang Diyos sa araw na ito ng Biyernes, ika-dalawampu’t siyam ng Setyembre, Kapistahan ng mga Arkanghel na sina San Miguel, San Gabriel at San Rafael.  Happy Feast Day po sa mga parokyang nagdiriwang ng kapistahan sa araw na ito.  Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Samahan ninyo ako sa’ting pambungad na panalangin.  Ama naming Makapangyarihan, sa mahusay na kaayusan pinamamahalaan mo ang mga ginampanang paglilingkod ng mga Anghel at mga tao.  Para mo nang awang ipagkaloob, na ang buhay namin sa lupa, pangalagaan ng mga laging tumutuwang sa langit na mga lingkod mong Anghel.  Amen.  Atin nang pagnilayan ang Mabuting Balita ayon kay San Juan kabanata isa, talata apatnapu’t pito hanggang limampu’t isa.

EBANGHELYO: Jn 1:47-51

Nakita ni Jesus si Natanael na palapit sa kanya at sinabi niya tungkol sa kanya: “Hayan ang tunay na Israelitang walang pagkukunwari.” Sinabi sa kanya ni Natanael: “Paano mo ako nakilala?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, habang nasa ilalim ka ng puno ng igos, nakita na kita.” Sumagot si Natanael: “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.” Sumagot si Jesus: “Sinabi ko lang sa iyong nakita kita sa ilalin ng puno ng igos, at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo.” At idinugtong ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo, makikita n’yong nakabukas ang Langit at panhik-panaog sa Anak ng Tao ang mga anghel ng Diyos.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Sinabi pa ni Hesus kay Natanael, “Higit pa riyan ang masasaksihan mo. Pakatandaan mo: makikita ninyong bukás ang langit, at ang mga anghel ng Diyos ay manhik-manaog sa kinaroroonan ng Anak ng Tao!” Maligayang Kapistahan ng mga Arkanghel! Lubos ang pagmamahal ng Panginoon sa kanyang mga anak, kaya itinalaga Niya ang Kanyang mga anghel upang tayo’y gabayan at ingatan sa ating pang araw-araw na pamumuhay. Simula nung natuto akong magbasa ng Bibliya, naging espesyal na sa akin ang Salmo 91. Isang bahagi nito nagsasaad, “Sa kanyang mga anghel, ika’y itatagubilin, saan mang dako maparoon, tiyak kang iingatan.” Dahil dito ramdam ko ang pananatili ng Panginoon sa aking buhay, na ako’y Kanyang iingatan, ilalayo sa kapahamakan, at anumang karahasan. Kaya dalangin ko sa tuwi-tuwina, na may lakas-loob akong harapin ang anumang hamon ng buhay, dahil ang pag-iingat ng Panginoo’y nasa sa akin. Tunay na makapangyarihan ang salita ni Hesus, “Higit pa riyan ang masasaksihan mo.” Sa pananalig at tiwala sa Kanya, higit pa riyan ang nasasaksihan natin. // Kapatid, bilangin mo kung kaya mo, ang napakaraming pagkakataong iningatan ka ng Panginoon. Naabot mo ang kinaroroonan mo ngayon, at tinatamasa ang Kanyang mga pagpapala, hindi dahil sa ika’y mabuti at tapat, kundi dahil sa katapatan, awa, dakilang pagmamahal at pag-iingat saiyo ng Panginoon. Higit pa riyan ang iyong masasaksihan. Tuloy ang paglalakbay, magtiwala, tapat ang Panginoon, tayo’y iniingatan Niya!