BAGONG UMAGA
Purihin ang Diyos sa unang araw ng Oktubre, Ika-dalawampu’t anim na Linggo sa Karaniwang Panahon ng ating Liturhiya. Pasalamatan natin Siya sa mga biyaya at pagpapalang tinanggap natin sa nagdaang buwan, lalo na sa patuloy Niyang paglingap at paggabay sa atin hanggang sa sandaling ito. Muli, ihabilin natin sa Diyos ang buong buwan ng Oktubre, nang pakabanalin natin ang bawat sandali sa paggawa ng mabuti at pagtupad sa Kanyang mahal na kalooban. Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Maririnig natin ang talinhaga ng dalawang anak na inutusan ng kanilang ama na magtrabaho sa ubasan sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata dalawampu’t isa, talata dalawampu’t walo hanggang tatlumpu’t dalawa. (Regular: Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata dalawampu’t isa, talata dalawampu’t walo hanggang tatlumpu’t dalawa)
EBANGHELYO: Mt 21:28-32
Sinabi ni Jesus sa mga Punong-pari, mga guro ng Batas at mga Matatanda ng mga Judio: “Ano sa palagay n’yo? May dalawang anak ang isang tao. Lumapit siya sa isa sa at sinabi: ‘Anak, pumunta ka ngayon at magtrabaho sa aking ubasan.’ Sumagit ang anak: ‘Ayoko.’ Ngunit pagkatapos ay nagbagong-isip siya at pumunta. Pinuntahan din ng ama ang pangalawang anak at gayundin ang sinabi. Sumagot naman ang anak: ‘Opo.’ Pero hindi siya pumunta.” At tinanong sila ni Jesus: “Sino sa dalawang anak ang tumupad sa gusto ng ama?” Sumagot sila: “Ang una.” At sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: mas nauuna sa inyo patungo sa Kaharian ng Langit ang mga publikano at mga babaeng bayaran. Dumating nga si Juan para ipakita sa inyo ang daan ng kabutihan pera hindi kayo naniwala sa kanya, samantalang naniwala naman ang mga publikano at mga babaeng bayaran. Nakita n’yo ito at hindi kayo nagsisi o naniwala sa kanya.”
PAGNINILAY
“Sino sa dalawang anak ang tumupad sa gusto ng Ama?” Ikaw kapatid, kanino ka mas nakaka relate sa dalawang anak, sa nagsabi ng “Oo”, pero hindi sumunod? O sa nagsabi ng “Hindi” pero sumunod. Malamang na experience na natin ang malagay sa ganitong sitwasyon noong inutusan tayo ng ating magulang. At marahil naalala pa natin ang ginawa nating pagtugon. Ang talinhaga ay nagpapahiwatig sa atin ng malalim na kahulugan ng “free will” o nang kalayaan na pinagkaloob sa atin ng Panginoon. Paano nga ba natin ginagamit ang handog na kalayaan ng Panginoon? Ginagamit ba natin ito para lumago sa kabutihan, kabanalan at pagpapasakop sa kalooban ng Diyos? O ginagamit natin ito para gawin anuman ang maibigan natin, kahit ito’y taliwas sa kalooban ng Diyos at lubhang nakakaapekto sa ating kapwa? Kapag sumagot tayo ng “Oo” sa Diyos, nagdarasal at nagsisimba araw-araw, aktibo sa mga Church organizations at mga pagkakawang-gawa – pero, kulang tayo sa pagmamahal sa Diyos at sa kapwa – mapanghusga, mahilig mag-marites sa kahinaan ng iba, malupit sa kasambahay at nandaraya sa negosyo, parang katulad tayo nung anak na “umuo”, pero hindi sumunod sa Diyos. Samantalang ang mga taong sumagot ng “hindi” sa una, – ang mga tinuturing nating makasalanan sa lipunan – at paminsan-minsan lang nagsisimba at nagdarasal, pero taos-pusong nagsisisi at may malalim na ugnayan sa Diyos, sila ang mga taong tunay na kalugod-lugod sa mata ng Diyos. Mga kapatid, suriin natin ang sarili sa puntong ito.