BAGONG UMAGA
Isang masigla at puno ng pag-asang araw ng Lunes minamahal kong kapatid kay Kristo. Ikalawa ngayon ng Oktubre, ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng mga Banal na Anghel na Tagatanod. Bawat isa sa atin, pinagkalooban ng Diyos ng Anghel na Tagatanod na siyang nag-iingat at gumagabay sa atin upang huwag mapahamak at mabulid sa kasamaan. Pasalamatan natin ang Diyos sa ating Anghel na Tagatanod, at humingi rin tayo ng tawad sa maraming pagkakataong hindi tayo nakinig sa ating anghel, na piliin ang mabuti at kalugod-lugod sa Diyos. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata labinwalo, talata isa hanggang lima at talata sampu.
EBANGHELYO: Mt 18:1-5, 10
Lumapit kay Jesus ang mga alagad at tinanong nila siya: “Sino ang mas una sa Kaharian ng Langit?” Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo: hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging tulad ng maliliit na bata hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Langit. Ang nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa Karihan ng Langit. At tinatanggap naman ako ng sinumang tatanggap sa batang ito nang dahil sa aking pangalan. Huwag sana n’yong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit.”
PAGNINILAY
Gaano ba kadalisa’y ang puso ng isang bata? Talaga nga bang malinis at mabuti ang ugali ng mga bata? Narinig natin sa ebanghelyo ang hamon ng Panginoong Hesus na kailangang tularan natin ang isang bata upang makamit ang Kaharian ng Langit. Kailangan nating magpakababa katulad sa isang bata. Paano ba magpakababa katulad ng isang bata? Kung babalikan natin ang panahong tayo’y mga bata pa – talaga namang napakasarap maging isang bata, di ba? Walang alalahanin sa buhay, walang problema, payapa ang isipan, malinis ang kalooban at parating masayahin. Bilang mga musmos na wala pang alam sa buhay – nakaasa tayo sa ating magulang sa lahat ng ating pangangailangan. Mababaw lang ang ating kaligayahan. Kuntento na tayo sa maliliit o malalaking bagay man na ibinibigay sa atin ng ating magulang. Kung meron man tayong nagawang kabutihan, ibinibida natin ito sa ating mga magulang at magkasama tayong nagdiriwang nang may kagalakan. Mga kapatid, ang Diyos ang tumatayong magulang natin sa kasalukuyan. Katulad ng isang bata, umasa tayo sa Kanya sa lahat ng ating pangangailangan. Pero hindi ito nangangahulugang, uupo na lamang tayo at hindi na kikilos, at aantayin na lamang bumagsak ang biyaya mula sa kalangitan. Ika nga ng isang kilalang manunulat na si Francis Cardinal Spellman, “Work as if everything depended on you… but pray, as if everything depended on God.” Pinapaalalahanan tayo nito na sa lahat ng biyayang hinihingi natin sa Diyos, may kaakibat itong pagsisikap at pagtitiyaga upang makamtan natin ang ating mithiin. Hilingin natin ang gabay at patnubay ng ating Anghel Tagatanod, nang makapamuhay tayong katulad ng isang bata – simple, mapagpakumbaba, masayahin at laging tumatalima sa kalooban ng Diyos.