BAGONG UMAGA
Mapagpalang araw ng Martes ginigiliw kong kapatid kay Kristo. Pasalamatan natin ang Diyos sa biyaya ng buhay at kalakasan/ at sa mga pagpapalang patuloy Niyang ipinagkakaloob sa atin hanggang sa sandaling ito. Pagbati po ng happy-happy birthday sa lahat ng nagdiriwang ng kaarawan ngayon, at sa buong linggong ito. Pagpalain nawa kayo lagi ng ating Panginoon. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang tagpo nang hindi pagtanggap ng mga Samaritano kay Hesus dahil patungo siya ng Jerusalem, sa Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata siyam, talata limampu’t isa hanggang limampu’t anim.
EBANGHELYO: Lk 9:51-56
Nang papalapit na ang panahon ng pag-aakyat sa kanya, tahasang ipinasya ni Jesus na pumunta sa Jerusalem. Nagpadala diya ng mga sugo para mauna sa kanya at pumasok sila sa nayon ng mga Samaritano para ihanda ang kanyang matutuluyan. Pero ayaw nila siyang tanggapin dahil papunta siya sa Jerusalem. Kaya sinabi sa kanya ng kanyang mga alagad na sina Jaime at Juan: “Panginoon, gusto mo bang tumawag kami ng apoy na babagsak mula sa Langit para puksain sila?” Lumingon si Jesus at pinagwikaan sila, at sa ibang bayan sila nagpunta.
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Hindi pinahintulutan ng mga Samaritano na dumaan si Hesus at ang kanyang mga alagad sa kanilang bayan nang malaman nila na patungo sila sa Jerusalem. (Kung babalikan natin ang kasaysayan ng mga Hudyo at Samaritano, napakalalim ang pinag- ugatan ng kanilang hidwaan. Itinuturing ng mga Hudyo na marumi ang mga Samaritano dahil sa kanilang pakikipag-ugnayan at pagpapakasal sa ibang lahi. Dahil ang mga Hudyo ay piniling lahi, itinuturing nila ang kanilang sarili na puro at malinis, at mas mataas sa ibang mga tao.) Kaya hindi kataka-takang magalit nang todo sina Juan at Santiago. Para sa kanila napakalaking insulto ang ginawa ng mga samaritano. Sa galit ng magkapatid agad nilang iminungkahi kay Hesus na magpabagsak ng apoy mula sa langit upang matupok ang mga Samaritano. Kapatid, nakita mo ba ang iyong sarili sa inasal nina Santiago at Juan? Ang karaniwan nating ugali pag tayo’y nasaktan ay makaganti sa kapwa. At hindi lamang basta makaganti, dapat mas matindi pa ang sakit na mararamdaman ng taong ating pinaghihigantihan. Napakasamang ugali ito, di ba? Taliwas na taliwas sa utos ni Hesus na “mahalin ang ating kapwa, at ipanalangin ang taong nakasakit sa atin.” Kapag nakaharap natin ang isang taong itinuturing nating kaaway dahil nasaktan tayo o nakagawa ng masama sa ating pamilya, ang ating natural na reaksyon ay makaganti, gusto natin na may mangyaring masama sa taong ito na mas malala pa sa naranasan natin. Pero hindi iyon ang paraan ni Hesus. Sinaway niya ang makapatid na Santiago at Juan sa kanilang marahas na pamamaraan. Sa halip, pinili ni Hesus ang isang mahinahon na tugon, at nagpasyang baguhin ang direksyon upang hindi dumaan sa nayon ng mga Samaritano. Mga Kapatid, meron ba tayong kababaang-loob na kilalanin at aminin ang ugali nating mapaghiganti sa mga nagkasala sa atin? Ipinakita sa atin ni Hesus kung paano kumilos kapag nahaharap sa ganitong sitwasyon. Tumawag tayo kay Hesus upang tulungan tayong yakapin at sundin ang kanyang mga halimbawa.