Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 5, 2023 – HUWEBES SA IKA-26 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON     

BAGONG UMAGA

Mapagpalayang araw ng Huwebes minamahal kong kapatid kay Kristo.  Purihin ang Diyos nang masaganang ani!  Sama-sama nating idalangin sa Diyos na magpadala Siya ng mabubuting manggagawa sa Kanyang ubasan.  Mga manggagawa na kakalinga, gagabay at magtuturo tungkol sa katotohanang nagmumula sa Diyos.  Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata sampu, talata isa hanggang labindalawa.  

EBANGHELYO: Lk 10:1-12

Humirang ang Panginoon ng iba pang pitumpu’t dalawa at isinugo silang dala-dalawa na mauna sa kanya sa bawat bayan at lugar na takda niyang puntahan. Sinabi niya sa kanila: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa; idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani. Lumakad na kayo. Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o sandalyas. At huwag ninyong batiin ang sinuman sa daan. Saanmang bahay kayo pumasok, sabihin muna ninyo: ‘Mapasatahanang ito ang kapayapaan!’ Kung mapayapang tao ang naroon, sasakanya ang inyong kapayapaan. Kung hindi’y magbabalik sa inyo ang inyong dasal. At sa bahay na iyon kayo manatili; kumain kayo at uminom na kasalo nila sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang sahod. Huwag kayong magpapalit-palit ng bahay. Saanmang bayan kayo pumasok at tanggapin nila kayo, kanin ninyo anumang ihain sa inyo. Pagalingin din ninyo ang mga maysakit doon at sabihin ninyo sa kanila: ‘Palapit na sa inyo ang Kaharian ng Diyos.’ Saanmang bayan kayo pumasok at di nila kayo tanggapin, lumabas kayo sa mga liwasan nito ang inyong sabihin: ‘Pati na alikabok mula sa inyong bayan na kumapit sa aming mga paa ay ipinapagpag namin sa inyo. Gayunman, alamin ninyong palapit na ang Kaharian ng Diyos.’ Sinasabi ko sa inyo na magaan pa ang sasapitin ng mga taga-Sodom kaysa bayang iyon sa dakilang Araw.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Kapistahan ngayon ni Santa Faustina, ang apostol ng Banal na Awa. Alam nyo ba na bente anyos lang si Helena noong pumasok siya sa kumbento ng Sisters of Our Lady of Mercy? Tinanggap niya ang pangalang Sr. Maria Faustina noong maging madre siya at sa loob ng labintatlong taon nanilbihan siya bilang tagaluto, hardinera, at tagabantay ng pintuan o doorkeeper. Marami siyang paghihirap na dinanas at pinagkalooban siya ng Panginoon ng natatanging misyon, tulad ng pitumpu’t dalawang disipulo sa Mabuting Balita ngayon. Ipinaalala ni Santa Faustina sa buong mundo ang tungkol sa maawaing pag-ibig ng Diyos – ang Divine Mercy. Lumaganap ang debosyong ito na ngayoý tinatawag din nating 3 o’clock prayer.  Kapatid, bawat isa sa atin ay may misyon sa buhay. Alam mo na ba kung ano ang misyon mo? Nagagampanan mo ba ito nang lubusan?

PANALANGIN

Panginoon, salamat sa pagpapaalala ni Santa Faustina sa amin ng iyong Banal na Awa. Tibayan mo ang aming pagtitiwala sa iyo lalo na sa panahon ng pagsubok upang magampanan namin ang misyong inihabilin nyo sa bawat isa sa amin. Amen.