BAGONG UMAGA
Magandang-magandang araw ng Biyernes minamahal kong kapatid kay Kristo. Dakilain natin ang Panginoong Mahabagin na hindi nagsasawang magpatawad sa mga kasalanan natin. Unang Biyernes ngayon ng Oktubre. Kaya idulog natin sa Kamahal-mahalang puso ni Hesus ang taos pusong pagsisisi sa ating mga kasalanan, at hilinging tulungan tayong mapaglabanan ang tukso na nagbubulid sa atin upang magkasala. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang pagtuligsa ng Panginoong Hesus sa mga bayan ng Corazin at Bethsaida sa Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata sampu talata labintatlo hanggang labing-anim.
EBANGHELYO: Lk 10:13-16
Sinabi ni Jesus: “Sawimpalad ka, Corazin! Sawimpalad ka, Betsaida! Kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sana silang nagdamit-sako at naupo sa abo at nakapagbalik-loob. Kaya magaan pa ang sasapitin ng Tiro at Sidon kaysa inyo sa araw ng paghatol. At ikaw naman, Capernaum, dadakilain ka kaya hanggang langit? Hindi! Ibubulid ka sa impiyerno! Ako ang dinidinig ng nakikinig sa inyo at ako ng di tinatanggap di tumatanggap sa inyo. At ang hindi tumatanggap sa akin ay di tumatanggap sa nagsugo sa akin.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Cl. Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Wala gaanong tala tungkol sa bayan ng Corazin. Ang isa pang binanggit na bayan sa ating ebanghelyo ngayong araw ay Bethsaida. Ang Bethsaida ang lugar kung saan galing sina Apostol San Pedro, Andres, at Felipe—ayon sa ebanghelyo ni San Juan. Beit sa salitang hebreo, ibig sabihin “bahay/tahanan” at tzed ibig sabihin “fishing o hunting.” Kaya nga’t sa wikang ingles pwede natin itranslate bilang “house of fishermen o house of hunters.” Sa lugar na malapit sa Bethsaida naganap ang pagpapagaling ni Hesus ng isang bulag (mula sa ebanghelyo ni San Marcos), pati na din ang pagpapakain sa limang-libo katao (mula sa ebanghelyo ni San Lucas). Dismayado ang ating Panginoong Hesukristo sa ating ebanghelyo ngayong araw. Siguro ang tanong, ano ba ang ginawa ng mga bayang ito, at sila’y sinabihang kaawa-awa? Simple lang—dahil hindi sila nakinig at nagsisi sa kanilang mga maling gawa, kahit na nasa harap na nila ang mabubuting dulot ng paghahari ng Diyos. Mga kapatid, sana’y hindi tayo basta nabibighani sa mga Milagro o extraordinaryong mga bagay ukol sa ating Pananampalataya sa Diyos. Sapat na ang makinig, magsisi, at tumalikod sa mga maling gawa. Tulad na lamang ng ating Unang pagbasa, ang marubdob na pagsisisi ng bayang Israel noong sila’y nasa ilang. “Hindi kami nakinig, nagmarunong kami gamit ang maduming puso, kaya’t gumawa kami ng masasama sa harap ng Diyos.” Kung tunay tayong makikinig sa Diyos, magsisi’t magbabagong loob—hindi Niya pagtutuunan ng pansin ang ating mga kahinaan—mas mahalaga sa Kanya ang ating hangarin at kalooban na sumunod at makinig sa Kanya sa kabila ng ating kahinaan.