BAGONG UMAGA
Maligayang Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo! Ito po muli ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas Kabanata sampu, talata labimpito hanggang dalawampu’t apat.
EBANGHELYO: Lk 10:17-24
Tuwang-tuwang nagbalik ang pitumpu’t dalawa at ang sabi: “Panginoon, mga demonyo ma’y sumuko sa amin dahil sa iyong pangalan.” Sinabi naman ni Jesus: “Nakita kong bumagsak na parang kidlat si Satanas mula sa Langit. Binibigyan ko kayo ng kapangyarihang yumapak sa mga ahas at alakdan. Masusupil n’yo ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway, at walang anumang makapipinsala sa inyo. Ngunit magalak kayo hindi dahil sa pagsuko sa inyo ng mga espiritu kundi sapagkat nasusulat sa Langit ang inyong mga pangalan.” Nang sandaling iyo’y nag-umapaw sa galak sa Espiritu Santo si Jesus at sinabi niya: “Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng Langit at lupa, dahil inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at ipinamulat mo naman sa maliliit. Oo, Ama naging nakalugud-lugod ito sa inyo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala kung sino ang Anak kundi ang Ama, at kung sino ang Ama kundi ng Anak at ang sinuman gustuhing pagbunyagan ng Anak.” Pagkatapos ay bumaling si Jesus sa mga alagad at sinabi sa kanila ng sarilinan: “Mapalad ang mga matang nakakakita ang inyong nakikita. Sinasabi ko sa inyo na maraming propeta at hari ang nagnais makita ang inyong nakikita pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. “Aba, Puspos ka ng biyaya, ang Panginoon ay sumasaiyo”. Ito ang pagbati ng anghel kay Maria sa ating Mabuting Balita ngayon, na napapaloob sa unang bahagi ng Aba Ginoong Maria, na ating paulit-ulit na dinarasal tuwing nagsasanto-rosaryo tayo. Kaya kapatid, hindi inimbento lamang ng simbahan ang dasal na Aba Ginoong Maria. May biblical basis ito. Kaya tuwing dinarasal natin ito, ginugunita natin ang pagbibigay pugay ng anghel kay Maria nang ibalita nito sa kanya na maglilihi sya at manganganak ng isang lalaki, na tatawaging Hesus. Kahit hindi ganap na malinaw ang mensahe ng anghel, walang takot siyang tumugon ng, “Ako’y alipin ng Panginoon, mangyari sa akin ang iyong sinabi”. Nang tinanggap ni Maria ang pagiging ina ng Diyos higit syang pinagpala at naging daluyan ng biyaya para sa ating mga nananalig sa kanyang mga panalangin.