BAGONG UMAGA
Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa Ika-dalawampu’t pitong Linggo sa Karaniwang Panahon ng ating Liturhiya. Ipinagdiriwang din ngayon ng Katolikong Simbahan sa Pilipinas ang Linggo ng Mga Katutubong Pilipino. Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata dalawampu’t isa, talata tatlumpu’t tatlo hanggang apatnapu’t tatlo.
EBANGHELYO: Mt 21:33-43
Sinabi ni Jesus sa mga Punong-pari at mga Matatanda ng mga Judio: “Makinig kayo sa isa pang halimbawa; May isang may-ari ng bahay ng nagtanim ng ubasan…Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at naglakbay sa malayo. Nang malapit na ang panahon ng anihan, pinapunta ng may-ari ang kanyang mga katulong sa mga magsasaka…Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang kanyang mga katulong, binugbog ang isa, pinatay ang iba at binato ang ilan.
“Nagpadala uli ang may-ari ng marami pang katulong pero ganoon din ang ginawa ng mga magsasaka sa kanila. “Sa bandang huli, ipinadala na rin niya ang kanyang anak sa pag-aakalang ‘Igagalang nila ang aking anak.’ Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, inisip nilang ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at mapapasaatin ang kanyang mana.’ Kaya sinunggaban nila siya, at inilabas sa ubasan at pinatay. Ngayon, pagdating ng may-ari ng ubasan, ano ang gagawin niya sa mga magsasaka? Sinabi nila sa kanya: “…pupuksain niya ang mga iyon at pauupahan ang ubasan sa ibang magsasakang kaparte sa anihan.”At sumagot si Jesus: “Hindi n’yo ba nabasa sa kasulatan? ‘Naging panulukang bato ang tinanggihan ng mga tagapagtayo. Gawa ito ng Panginoon; at kahanga-hanga ang aking nakita.’ Kaya sinasabi ko sa inyo: aagawin sa inyo ang Kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bayang makapagpapalago nito.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Fr. Rolly Garcia Jr. ang pagninilay sa Ebanghelyo. Napakinggan natin sa Mabuting Balita ang isang talinghaga mula sa ating Panginoong Hesus. Tumutukoy ang talinghaga sa kasaysayan ng Israel, bilang ubasan ng Diyos na dapat sana ay nagbubunga ng katuwiran at kabanalan. Pero sa halip, nagbunga ng kasamaan at karahasan. Mga kapatid, ang aral ng talinghaga ay ang paghatol ng Diyos sa mga taong hindi sumusunod sa kanyang kalooban, at hindi tumatanggap sa kanyang biyaya. Ang paghahari ng Diyos ay aalisin sa kanila, at ibibigay sa ibang bansa na magbubunga nang nararapat. Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ay siya ring naging batong panulok, na tumutukoy kay Hesus bilang pundasyon at tagapagligtas ng bagong bayan ng Diyos. Ang talinghaga ay isang paanyaya sa atin na magpakumbaba, at magpasalamat sa Diyos na nagbigay sa atin ng kanyang Anak, upang tubusin tayo at bigyan ng buhay na walang hanggan. Ang talinghaga ay isang hamon din sa atin na maging tapat at masipag na magsasaka sa ubasan ng Diyos, na nagbibigay sa Kanya ng karapat-dapat na ani ng pananampalataya, pag-ibig, at paglilingkod.