BAGONG UMAGA
Isang Masigla at puno ng pag-asang araw ng Lunes minamahal kong kapatid kay Kristo. Purihin ang Diyos sa patuloy na pagtuturo sa atin ng makalangit na karunungan na magdadala sa atin sa buhay na walang hanggan. Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Maririnig natin ang panunubok ng isang guro ng Batas kay Hesus sa Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata sampu, talata dalawampu’t lima hanggang tatlumpu’t pito.
EBANGHELYO: Lk 10:25-37
May tumindig na isang guro nang Batas para subukin si Jesus. Sinabi niya: “Guro, ano ang gagawin ko para makamit ang buhay na walang hanggan?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Ano ba ang nasusulat sa Batas, at paano mo ito naiitindihan?” Sumagot ang guro ng Batas: “Mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso at nang buo mong kaluluwa at nang buo mong lakas at nang buo mong pag-iisip. At nasusulat din naman: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” Noo’y sinabi ni Jesus sa kanya: “Tama ang sagot mo. Gawin mo ito at mabubuhay ka.” Pero gustong mangatwiran ng guro ng Batas kaya sinabi niya kay Jesus: “At sino naman ang aking kapwa?” Sinagot siya si Jesus: “May isang taong bumaba mula sa Jerusalem papunta sa Jerico at nahulog siya sa kamay ng mga tulisan. Hinubaran siya ng mga ito at binugbog at saka iniwang halos patay na. Nagkataon namang may isang paring pababa rin sa daang iyon. Pagkakita sa kanya, lumihis ito ng daan. Gayundin naman, may isang Levitang napadaan sa lugar na iyon; nang makita siya’y lumihis din ito ng daan. Pero may isang Samaritano namang naglalakbay na napadaan sa kinaroroonan niya; pagkakita nito sa kanya, naawa ito sa kanya. Kaya’t lumapit ito, binuhusan ng langis at alak ang kanyang mga sugat at binendahan. Isinakay nito ang tao sa sarili niyang hayop at dinala sa isang bahay-panuluyan at inalagaan. Kinabukasan, dumukot ang Samaritano ng dalawang denaryo, ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi: ‘Alagaan mo siya; sasagutin ko ang anumang karagdagang gastos pagbalik ko.’” At sinabi ni Jesus: “Sa palagay mo sino sa tatlong ito ang naging kapwa sa taong nahulog sa kamay ng mga tulisan?” Sagot ng guro: “Ang nagdalang-habag sa kanya.” Kaya ni Jesus sa kanya: “Humayo ka’t ganoon din ang gawin.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Reajoy San Luis ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Sino ang aking kapwa? Ito yung tanong ng isang dalubhasa kay Hesus, hindi dahil sa gusto talaga niyang matuto, kundi para maipakita ang kanyang pagiging mas matuwid o mas marunong pa sa iba. Gusto niyang subukan si Hesus, na mismong Banal na Karunungan ng Diyos na nagkatawang tao. Pero gusto din siyang turuan ni Hesus at ipaunawa sa kanya, na wag mag-marunong. Hindi niya inakalang ang mga Samaritano, na mababa sa paningin nila – ang babanggitin ni Hesus na nagpakita ng pakikipagkapwa-tao. Dito, ipinakita ni Hesus na hindi tayo dapat tumitingin sa estado ng isang tao, at husgahan ang kanilang pagkatao, dahil baka mas mabuti pa sila sa atin, mas marunong makipagkapwa, tumulong at dumamay sa iba. Ito ang natural na gawain ng taong bukas sa awa at pagmamahal ng Diyos.
PANALANGIN
Panginoong Hesus, turuan Mo po kaming patuloy na makinig sa Iyo upang mas lalo kaming lumago sa karunungan, pagpapakumbaba at pakikipagkapwa. Amen.