Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 12, 2023 – HUWEBES SA IKA-27 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON | Mahal na Birhen ng Pilar

BAGONG UMAGA

Mapagpalayang araw ng Huwebes minamahal kong kapatid kay Kristo!  Ika-labindalawa ngayon ng Oktubre, kapistahan ng Mahal na Birhen ng Pilar.  Sa tulong panalangin ng Mahal na Birhen, hilingin nating matutunan ang pagiging persistent sa ating panalangin. Gayundin, ang biyayang maging bukas, sa anumang tugon ng Diyos sa ating panalangin.  Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata labing-isa, talata lima hanggang labintatlo.

EBANGHELYO: Lk 11:5-13

Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad: “Ipalagay nating may kaibigan ang isa sa inyo at pinuntahan mo siya sa hatinggabi at sinabi: ‘Kaibigan, pahiram nga ng tatlong pirasong tinapay dahil kararating lang mula sa biyahe ng isa kong kaibigan at wala akong maihain sa kanya.’ At sasagutin ka siguro na nasa loob: ‘Huwag mo na akong gambalain. Nakatrangka na ang pinto at nakahiga na kami ng mga bata; hindi na ako maaaring tumayo para bigyan ka.’ Sinasabi ko sa inyo, kung hindi man siya bumangon para magbigay dahil sa pakikipagkaibigan, babangon pa rin siya at ibibigay sa iyo ang lahat mong kailangan dahil sa pagpupumilit sa kanya. Kaya sinasabi ko sa inyo: humingi at kayo’y bibigyan, maghanap at matatagpuan ninyo, kumatok at bubuksan ang pinto para sa inyo. Talaga ngang tumatanggap ang humihingi, nakakatagpo and naghahanap at pinagbubuksan ang kumakatok. Sino sa inyo ang amang magbibigay ng ahas sa kanyang anak kung isda at hindi ahas ang hinihingi nito? Sino ang magbibigay ng alakdan kung itlog ang hinihingi? Kaya kung kayo mang masasama’y marunong magbigay ng mabuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang Ama mula sa Langit? Tiyak na ibibigay niya ang banal na Espiritu sa mga hihingi sa kanya.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Cl. Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Mayroon po akong nabasang magandang article, the 7 Habits of a persistent person. Una, they have a vision and a goal. Yun daw ang nagmomotivate sa kanila. Ikalawa, they always find way. Sa tagalog na kasabihan ‘yan e “Kung ayaw may dahilan, kung gusto may paraan. Ikatlo, they have an inner confidence. Hindi sila madaling ma-sway ng mga “bashers”, they are true to their intention. Ikaapat, they master their habits. “Motivation is what gets you started; habits are what keeps you going.” Ikalima, Ability to adjust and adapt. Nakikinig, nakikibagay, sa kung ano ang mabuti at totoo. Ikaanim, always teachable and coachable. At ang Ikapito at panghuli, they have people who they consider as their mentor or guide. Open silang matuto, at mapuntuhan ang mga kamalian, para sa mas ikabubuti.  Sa ating ebanghelyo, napakaganda pong tinuturuan tayo ng “persistence.” Kung mapapansin po ninyo, bihira ang mga taong persistent sa kanilang pananampalataya. Para bang ang Diyos ang pinakamabisang bitawan sa oras ng pangangailangan. Hindi ho. Baliktad. Ang Diyos ang pinakamarapat nating kapitan sa oras ng kagipitan. Opo, madalas, para bang iba ang kalooban ng Diyos sa ating nais—pero lagi sana nating isipin na hindi naman Niya pinangakong magiging madali ang lahat. Ang pinangako Niya’y Siya’y Emmanuel— “Ang Diyos na lagi nating kasama’t kapiling, sa hirap man o ginhawa.”