BAGONG UMAGA
Magandang-magandang araw ng Biyernes minamahal kong kapatid kay Kristo. Purihin ang mapagmahal nating Diyos na patuloy na nag-aanyaya sa atin na manatiling mabuti, sa gitna ng kasamaang nakapaligid sa atin. Samahan nyo rin po kaming mga Daughters of St. Paul sa Pilipinas sa aming pasasalamat sa Diyos sa 85th foundation anniversary ng aming Kongregasyon. Harinawang patuloy kaming gamitin ng Panginoon sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita gamit ang social communications media. Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata Labing-isa, talata labinlima hanggang dalawampu’t anim.
EBANGHELYO: Lk 11:15-26
Nang nakapagpalayas si Jesus ng demonyo, sinabi ng ilan sa mga tao: “Pinalalayas niya ang mga ito sa tulong ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” Gusto naman ng iba na subukin si Jesus at humingi sila sa kanya ng isang tanda galing sa Langit. Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya sinabi niya sa kanila: “Mabubuwag ang bawat Kahariang nagkakahati-hati at magigiba roon ang mga sambahayan. Ngayon, kung nagkakahati-hati si Satanas, paano magtatagal ang kanyang Kaharian? Hindi nga ba’t sinasabi n’yo na nagpapalayas ako ng mga demonyo sa tulong ni Beelzebul? Kung sa pamamagitan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, paano naman napalalayas ng inyong mga kaanib ang mga ito? Sila mismo ang nararapat sumagot sa inyo. Sa daliri ng Diyos ako nagpapalayas ng mga demonyo kaya sumapit na sa inyo ang Kaharian ng Diyos. Kung sandatahang binabantayan ni Malakas ang kanyang palasyo, hindi magagambala ang kanyang mga pag-aari. Pero kung salakayin siya ng mas makapangyarihan sa kanya at talunin siya, maaagaw nito ang kanyang mga armas na kanyang inasahan at ipamamahagi ang kanyang mga ari-arian. Laban sa akin ang hindi panig sa akin, at nagpapangalat ang hindi nagtitipong kasama ko.” Kapag lumabas sa tao ang maruruming espiritu, nagpapalabuy-laboy ito sa mga lugar na walang tubig sa paghahanap ng pahingahan. Pero wala siyang natatagpuan at sinasabi niya: ‘Babalik ako sa inalisan kong tirahan.’ Pagdating niya, natatagpuan niya ito na nawalisan na at maayos pa. Kaya naghahanap siya at nagsasama ng pito pang espiritung mas masama pa kaysa kanya; pumapasok ang mga ito at doon tumitira. Kaya mas masama ang huling kalagayan ng taon iyon kaysa dati.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Kapatid, naranasan mo na bang gumawa ng kabutihan sa kapwa, pero ikaw pa ang minasama? Ganito ang naranasan ni Hesus sa ating Mabuting Balita ngayon. Marami Syang pinagaling na inaalihan ng demonyo, pero pinagbintangan pa Syang kaanib ng mga demonyo. Marahil isang strategy ng demonyo ang sirain ang credibility ni Hesus upang hindi na Niya ipagpatuloy sa Kanyang misyon. Sa panahon natin ngayon, high tech na rin ang demonyo. Ginagamit nya ang social media, upang sirain ang mga taong gumagawa ng kabutihan sa pamamagitan ng mga mapanirang fake news. Isa itong paraan upang yurakan ang dignidad, at alisan ng credibilidad ang mga taong gumagawa ng kabutihan at lumalaban sa kasamaan. Kaya, lumalabas na masama ang mabuti at pilit pinagaganda ang public image ng gumagawa ng masama. Kapatid, huwag sana tayong maging mapanghusga sa kapwa, dahil lamang sa mga nababasa natin sa social media. Sa halip, manaliksik at maging mapanuri bago maniwala.