Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 14, 2023 – SABADO SA IKA-27 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON         

BAGONG UMAGA

Maligayang araw ng Sabado kapatid kay Kristo. Pasalamatan natin ang Diyos sa isang linggong iningatan Niya tayo, ginabayan, at pinagkalooban ng pang-araw-araw nating pangangailangan.  Muli nating ihabilin sa Kanya ang mga gawain natin sa buong maghapon, at hilinging pangunahan tayo sa pagtupad ng ating mga tungkulin at pagdedesisyon.   Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Maririnig natin na pinuri ng isang babae ang Ina ni Hesus dahil sa dakilang prebilihiyong maging Ina ng Tagapagligtas, sa Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata Labing-isa, talata dalawampu’t pito hanggang dalawampu’t walo.

EBANGHELYO: Lk 11:27-28

Habang nagsasalita pa si Jesus, isang babae mula as sa maraming tao ang malakas na nagsabi sa kanya: “Mapalad ang nagdala sa iyo sa kanyang sinapupunan at nagpasuso sa iyo.” Ngunit sumagot si Jesus: “Kaya talagang mapalad ang mga nakikinig sa Salita ng Diyos at tumutupad nito.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Natural sa atin na magbigay papuri sa mga magulang, kung ang kanilang mga anak ay naging matagumpay sa propesyon na kanilang pinili, kung naging maunlad sa buhay o sa business, at lalo na kung naging isang pari o relihiyoso. Sa parehong paraan, kapag ang isang anak ay naligaw ng landas, kinukuwestiyon natin ang tila kawalan ng responsibilidad ng magulang sa paggabay ng anak upang maging isa itong mabuting Kristiyano at mamamayan ng bansa. Sa mabuting balita natin ngayon, narinig natin ang maigting na papuri na sinabi ng isang babae kay Hesus. Marahil, tumimo nang malalim sa puso ng babae na ito ang mga sinasabi ni Hesus, kung kaya di na niya napigilan ang kanyang sarili at napasigaw nang ganito: “pinagpala ang sinapupunang nagdala sa iyo…” Ang papuring ito ay tumutukoy kay Maria, na ating Ina, dahil siya ang nagdala kay Hesus ng siyam na buwan sa sinapupunan. Pero sinagot ni Hesus ang babae ng ganito: “Oo, ang totoo, higit na pinagpala ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at sumusunod dito.” Totoo, pinagpala si Maria sa pagdadala kay Hesus sa kanyang sinapupunan ng siyam na buwan at sa paggabay sa kanyang paglaki. Pero, binigyan diin ni Hesus na mas pinagpala ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at sumusunod dito. Kung magmumuni-muni tayo ng malalim sa sinabing ito ni Hesus, tumutukoy din sa Mahal na Ina ang mga salitang ito. Sa simula pa lang, naging Ina ni Hesus si Maria dahil siya’y nakikinig at sumusunod sa salita ng Diyos. Mga kapatid, ang pagiging blessed o pinagpala natin ay di nasusukat sa mga accomplishments, yaman, o katayuan sa lipunan, na ating kinabibilangan. Pinapaalalahanan tayo ng Mabuting Balita ngayon, na ang pinakamahalagang bagay na ating makakamit bilang tagasunod ni Kristo, ay ang manatiling bukas ang ating puso at kalooban, sa Salita ng Diyos at isabuhay ang itinuturo nito araw-araw.