Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 16, 2023 – LUNES SA IKA-28 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON |  Santa Eduvigis (Heidi), namamanata sa Diyos, Santa Margarita Maria Alacoque, dalaga

BAGONG UMAGA

Isang masigla at puno ng pag-asang araw ng Lunes kapatid kay Kristo.  Salubungin natin ang panibagong araw, panibagong linggo nang may puspos nang pasasalamat at kagalakan sa walang hanggang pag-ibig ng Diyos sa atin.  Paulit-ulit man tayong nadadapa at nagkakasala, hindi nawawalan nang pag-asa ang Diyos sa atin, na may kakayahan tayong magbago kung gugustuhin natin, at sa tulong na rin ng Kanyang biyaya.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Maririnig natin ang pahayag ni Hesus na masamang lahi ang humihingi ng palatandaan, pero walang ibang palatandaang ibibigay kundi ang palatandaan ni Jonas, sa Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata labing-isa, talata dalawampu’t siyam hanggang tatlumpu’t dalawa.

EBANGHELYO: Lk 11:29-32

Nang dumadagsa na ang mga tao, nagsimulang magsalita si Jesus: “Masamang lahi ang lahing ito; humihingi ito ng palatandaan pero walang ibang palatandaang ibibigay dito kundi ang palatandaan ni Jonas. At kung paanong naging palatandaan si Jonas para sa mga taga-Ninive, gayundin ang Anak ng Tao para sa mga tao sa kasalukuyan. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog kasama ang mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon; at dito’y may mas dakila pa kaysa kay Solomon. Sa paghuhukom, babangon ang mga lalaking taga- Ninive kasama ng salinlahing ito at hahatulan nila ito dahil nagbalik-loob sila sa pangangaral ni Jonas; at dito’y may mas dakila pa sa Jonas.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Reajoy San Luis ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  “Sige nga, patunayan mo.” Isang paraan ng pagsasabing hindi ka naniniwala hangga’t mapatunayang totoo ang sinasabi sa yo. Sa ibang salita – wala kang tiwala sa taong kausap mo –hindi siya kapanipaniwala para sa yo. Sa parte ng sinasabihan mo nito, kung seryoso siya sa pagsasabi ng katotohanan o sa pagbibigay ng babala sa’yo, puwedeng iba-iba ang maging reaksyon niya. Kung wala siyang pakialam, maniwala ka man o hindi, malamang hindi siya magsasayang ng oras, para patunayan na totoo ang sinasabi niya. Pero kung may concern siya sa’yo, o mahalagang papaniwalain ka – hahaba pa ang usapan para lang makumbinse ka. Sa Mabuting Balita natin ngayon, wala alin man dito ang reaksiyon ni Hesus, sa mga naghahanap ng tanda (o sign). Tinawag niyang masama ang henerasyong may ganitong pag-iisip. At wala rin silang mapapalang tanda bukod sa tanda ni Propeta Jonas. Alam ni Hesus na ang paghahanap ng tanda ay pag-iwas sa tawag niyang magsisi, magbagong loob, makinig sa Mabuting Balita na sinabi niya bago ang tekstong ito (Lk 27-28). Bakit? Kasi may kakailanganin silang baguhin, iwasan, mga masasamang bisyong dapat paglabanan. Ito ang mga bagay na nagdudulot ng mga panandaliang saya sa buhay, pero nakakasama sa ating buhay espiritwal. Pero dahil komportable na tayo na gawin ang mga ito, mas madaling piliin na manatili at wag ng baguhin. Isa lang naman ang gusto ni Hesus sa atin, kaya niya sinasabi ito – na magbalik loob ang mga makasalanan, upang makasama tayong lahat sa piling ng Diyos. 

PANALANGIN

Panginoong Hesus, tulungan nyo po kaming mabuksan ang aming isip, na huwag magbingi-bingihan sa tawag nyong pagsisisi at pagbabalik loob sa Diyos at biyayaan kami ng paghahangad na makasama kayo sa buhay na walang hanggan. Amen.