BAGONG UMAGA
Mapagpalang araw ng Martes ginigiliw kong kapatid kay Kristo. Kumusta po kayo? Kumusta ang inyong araw-araw paglalakbay sa gitna ng mga suliraning pinagdaraanan sa buhay? Nawa’y nananatili kayong matatag sa pananampalataya at laging nakakapit sa habag at awa ng Diyos. Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. May aral tungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng malinis na kalooban ang Mabuting Balitang maririnig natin, ayon kay San Lukas kabanata Labing-isa, talata tatlumpu’t pito hanggang apatnapu’t isa.
EBANGHELYO: Lk 11:37-41
Matapos magsalita si Jesus, inanyayahan siya ng isang Pariseo na kumain sa bahay nito. Pumasok siya at dumulog sa hapag. At nagtaka ang Pariseo nang makitang hindi muna siya naghugas ng kamay bago kumain. Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon: “Kayong mga Pariseo, ugali n’yong linisin ang labas ng mga baso’t pinggan pero nag-uumapaw naman sa kasakiman at kasamaan ang inyong loob. Mga hangal! Hindi ba’t ang maygawa ng labas ang siya ring maygawa ng loob? Pero naglilimos lamang kayo at sa akala n’yo’y malinis na ang lahat.”
PAGNINILAY
Sa Ebanghelyong ating narinig, pinuna ng mga Pariseo si Hesus dahil hindi Siya naghugas ng kamay ayon sa kaugalian bago kumain. Pero para sa Panginoon, mas mahalaga ang kalinisan ng kalooban kaysa sa ritwal na paghuhugas na panlabas. Higit na kinalulugdan ng Diyos ang isang pusong malinis, kaysa sa katawang malinis lang sa panlabas pero bulok at punong-puno naman ng kasamaan sa loob. Sa panahon natin ngayon na mas pinapahalagahan ang panlabas na anyo kaysa sa panloob – pinapaalalahan tayo ng Ebanghelyo na balansehin ang panahong gigugugol natin sa mga ito. Dahil ang totoo, tunay na kaakit-akit sa mata ng Diyos at sa mata ng tao ang isang taong maganda at malinis ang panlabas na anyo, at maganda rin ang pag-uugali. Pero ang isang taong maganda lang sa panlabas, pero sobrang taray at sama naman ng pag-uugali – kinaiinisan, iniiwasan at walang gustong makipagkaibigan. At ang pinakamasaklap pa niyan, ang mga taong hindi na nga kagandahan ang panlabas na anyo, pero sobrang sama pa ng pag-uugali. Saang kategorya ba ng mga taong nabanggit tayo napapabilang? Alinman tayo sa mga ito, hindi pa huli ang lahat. May panahong pang magbago. Sana naman mas pagtuunan natin ng pansin ang pagkamit ng panloob na kagandahan, dahil tunay na ito lamang ang mananatili hanggang wakas. Pumanaw man tayo sa mundo, nananatiling buhay ang ating alaala sa mga taong ating tinulungan at nagawan ng kabutihan. May pitak sa kanilang puso ang ating kagandahang-loob at pinapupurihan nila ang Diyos sa paglikha sa atin. Mga kapatid, ang isang taong may mabuting kalooban ay tunay na biyaya sa kanyang pamilya, kaibigan at kapwang natulungan. Isa sana tayo sa mga taong ito.
PANALANGIN
Panginoon, basbasan Mo po ang aking hangaring pakalinisin ang aking kalooban. Kung paano ko pong inaalagaan ang aking panlabas na anyo at katawan, ganun din sana ang pag-aalagang gawin ko sa aking kaluluwa. Amen.