Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 19, 2023 – HUWEBES SA IKA-28 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON | San Juan de Brebeuf at San Isaac Jogues, mga pari at mga kasama, mga martir, San Pablo dela Cruz, pari, Beato Timoteo Giaccardo

BAGONG UMAGA

Magandang buhay ginigiliw kong kapatid kay Kristo. Dakilain natin ang Diyos sa pagpahiram sa atin ng panibagong araw at buhay.  Pasalamatan natin Siya sa mga biyayang inilaan Niya sa atin para sa araw na ito.  At hilingin natin ang Kanyang banal na pagpababasbas, upang magampanan natin ang ating mga tungkulin sa buong maghapon ayon sa Kanyang mahal na kalooban.  Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Ihanda na natin ang sarili sa pakikinig sa Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata labing-isa, talata apatnapu’t pito hanggang limampu’t apat.

EBANGHELYO: Lk 11:47-54

Sinabi ni Jesus: “Sawimpalad kayong nagtatayo ng mga puntod sa Mga Propetang pinatay ng inyong mga ama. Gayon n’yo inaamin at sinasang-ayunan ang mga ginawa ng inyong mga ama; iniligpit nila ang Mga Propeta, at makapagtatayo na kayo ngayon. (Sinabi rin ng karunungan ng Diyos:) Nagsusugo ako sa kanila ng Mga Propeta at mga apostol ngunit uusigin nila at papatayin ang ilan sa kanila. Kayat papapanagutin ang salinlahing ito sa dugo ng lahat ng propeta, sa dugong nabuhos mula pa sa pagkatatag ng mundo, mula sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias na nasawi sa pagitan ng altar at ng santuwaryo. Oo, sinasabi ko sa inyo, papapanagutin ang salinlahing ito. Sawimpalad kayong mga guro ng Batas na umagaw sa susi ng kaalaman. Hindi na kayo pumasok at hinahadlangan n’yo pa ang mga may gustong makapasok.” Pagkatapos ay umalis si Jesus at sinimulan naman ng mga guro ng Batas at mga Pariseo na mahigpit na nakipagtalo sa kanya. Pinagpagsalita nila siya tungkol sa maraming bagay at pilit na sinisilo sa anumang sinasabi niya.

PAGNINILAY

Isinulat ni Cl. Vinz Aurellano ng society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Sa iilang tagpo lamang natin mababasa sa Mabuting Balita na mistulang naglalabas ng hinanaing ang ating Panginoong Hesukristo. Siguro sa mas madaling sabi—siya’y lubos lubusang naninindigan. Noong linisin niya ang templo sa pandarambong at masasamang kalakalan. At ngayon din ang kanyang paninindigan sa harap ng mga punong saserdote. Ang kanilang usapin tungkol sa dugo at haing alay ay umabot na sa sukdulan. Tinutuya na nila si Hesus, nag-aabang ng kanyang salita na maaari nilang ipanghabla sa kanya. Mga kapatid, isa lamang itong patunay na si Hesus ay sumasaatin at hindi lang basta peaceful coexistence ang kanyang nais—kundi isang bayang, payapa at nagmamahalan, na nakabase sa katapatan at katotohanang hatid ni Hesus. Our love should be grounded on what is good and true. If not, then we did not love at all—plastic. Anong tinuturo sa atin ng Mabuting Balita ngayong araw? Sana matuto tayong manindigan. Hindi naman laging buhay ang ating tinataya. Pero kahit sa mga maliliit na bagay, upang mas mahayag ang katotohanan, katapatan, at kabutihang hatid ng paghahari ng Diyos.