Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 23, 2023 – LUNES SA IKA-29 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON  | San Juan de Capistrano, pari

BAGONG UMAGA

Isang mabiyaya at puno ng pag-asang araw ng Lunes kapatid kay Kristo. Kumusta po kayo? Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan, at laging nakakapit sa habag at awa ng Diyos sa gitna ng mga problemang nararanasan.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Panawagang mag-ingat sa lahat ng uri ng kasakiman ang hamon sa atin ng Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata Labindalawa, talata labintatlo hanggang dalawampu’t isa. 

EBANGHELYO: Lk 12:13-21

Sinabi kay Jesus ng isa sa karamihan: “Guro, sabihin mo nga sa aking kapatid na hatian ako ng mana.” Ngunit sinabi ni Jesus sa kanya: “Kaibigan, sino ang nagtalaga sa akin bilang hukom o tagapaghati n’yo? “ At sinabi niya sa mga tao: “Mag-ingat kayo at iwasan ang bawat uri ng kasakiman sapagkat magkaroon man ng marami ang tao, hindi sa kanyang mga ari-arian nakasalalay ang kanyang buhay.” At idinagdag ni Jesus ang isang talinhaga: “May isang taong mayaman na maraming tinubo sa kanyang lupain. Kaya nag-isip-isip siya: ‘Ano ang gagawin ko? Wala man lang akong mapagtipunan ng aking ani.’ At sinabi niya: ‘Ito ang gagawin ko, gigibain ko ang aking mga bodega at magtatayo ako ng mas malalaki; doon ko titipunin ang lahat kong trigo at ang iba pa. At masasabi ko na sa aking sarili: Kaibigan, may marami kang ari-ariang nakalaan para sa maraming taon. Magpahinga ka, kumain, uminom at magsaya.’ Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos: ‘Hangal! Sa gabi ring ito, babawiin sa iyo ang iyong buhay. Mapapasakanino na ang iyong inihanda?’ Gayon din ang masasabi sa sinumang nag-iimpok ng yaman para sa kanyang sarili at walang tinitubo para sa Diyos.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Narinig natin sa Mabuting Balita ang isang babala, na mag-ingat sa kasakiman. Ayon sa Aklat na- Anak ng Pitong Sala na sinulat ni Fr. Joseph Mendoza, ang kasakiman ay ang labis na paghahangad sa kayamanan at mga materyal na bagay. At ayon pa sa kanya, meron itong pitong anak – ang panlilinlang, pandaraya, kasinungalingan, pagsumpa nang walang katotohanan, pagkabalisa, karahasan at kawalang-awa. Kaya marami tayong nababalitaang magkakapatid na nag-aaway-away at nagpapatayan pa, dahil sa agawan ng mana. Kapag may isang sakim sa magkakapatid, pinag-uugatan ito ng karahasan at pagkabalisa sa pamilya. Kaya binibigyan tayong babala ng Mabuting Balita ngayon: “Sikapin ninyong mag-ingat sa lahat ng kasakiman, sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa dami ng kanyang ari-arian” ( from verse 15). Kapag namatay tayo, hindi naman natin madadala ang kayamanan sa kabilang buhay. Iiwan natin ito dito sa lupa kasama ng mga alaala kung paano tayo nakipamuhay. Ikaw Kapatid, anong alaala ang nais mong iwan? // Hindi naman masama ang mag-ipon para sa ating kinabukasan. Ang ayaw ng Diyos ay ang labis na paghahangad ng kayamanan na nag-uudyok sa tao upang maging bulag sa pangangailangan ng kapwa, at mangdaya o manlinlang ng kapwa upang higit pang kumita ng mas maraming pera. Kapatid, meron ka rin bang tendency na maging sakim? Isa lang ang lunas dyan, ang pagiging bukas-palad o pagtulong sa kapwa.