Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 31, 2023 – MARTES SA IKA-30 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON

BAGONG UMAGA

Purihin ang Diyos sa papatapos nang buwan ng Oktubre.  Pasalamatan natin Siya sa lahat nang kaganapan sa buong buwan, lalo na sa mga biyaya at pagpapalang tinanggap natin mula sa Kanyang kagandahang loob.  Humingi din tayo ng kapatawaran sa lahat ng nagawa nating pagkakasala sa Kanya at sa ating kapwa. Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Maririnig natin ang dalawang talinhagang ginamit ni Hesus para ipaliwanag sa atin ang Kaharian ng Langit. sa Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata Labintatlo, talata Labinwalo hanggang Dalawampu’t isa.

EBANGHELYO: Mt 13:18-21

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Rolly Garcia Jr. ang pagninilay ng ibabahagi ko sa inyo.  Ang dalawang talinghaga ni Hesus sa ating Mabuting Balita ngayon ay tungkol sa kaharian ng Diyos. Ang una ay ang talinghaga ng binhing mustasa at ang ikalawa ay ang talinghaga ng lebadura. Ang mga talinghaga na ito ay nagtuturo sa atin ng ilang mahahalagang aral tungkol sa kaharian ng Diyos. Una, ang kaharian ng Diyos ay hindi agad-agad na makikita o mararamdaman sa simula. Nagsisimula ito sa isang maliit at simpleng paraan, tulad ng isang binhi o lebadura. Pero may kakayahang itong lumago at magbago sa buhay ng mga taong tumatanggap dito. Ikalawa, ang kaharian ng Diyos ay hindi limitado sa isang lugar o grupo ng tao. Ito ay para sa lahat ng mga nilalang na nais sumunod at makisama sa Diyos. Tulad ng puno na nagbigay ng tirahan sa iba’t ibang uri ng ibon, at tulad ng lebadura na nagpapalaki sa buong masa, ang kaharian ng Diyos ay nagbibigay ng pagkakataon at pag-asa sa lahat. Mga kapatid, alam natin na ang Diyos ay patuloy na gumagawa at nagpapalago sa atin, kahit na hindi natin ito agad-agad napapansin. Alam rin natin na ang Diyos ay hindi namimili o nangungutya sa sinuman, kundi bukas at mapagbigay sa lahat. Nais niyang ang lahat ay maging bahagi ng kanyang kaharian, na puno ng pag-ibig, kapayapaan, at katarungan.