Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 5, 2023 – IKA-31 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (A)

BAGONG UMAGA

Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa Ika-tatlumpu’t isang Linggo sa Karaniwang Panahon ng ating Liturhiya.  Pasalamatan natin Siya sa isang Linggong iningatan Niya tayo, ginabayan, at pinagkalooban ng pang-araw-araw nating pangangailangan. Sa Araw na ito, hilingin natin ang biyayang lumago sa pagpapakatotoo at kababaang-loob.  Tayo nawa ang unang magsabuhay ng mga inaasahan nating gawin ng iba, o ng mga ipinapangaral natin sa kanila; at makatugon nawa tayo sa panawagang, “to walk our talk.”   Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St.Paul.  Atin nang pakinggan ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata Dalawampu’t Tatlo, talata isa hanggang Labindalawa.

EBANGHELYO: Mt 23:1-12

Sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad: “Ang mga guro ng Batas at mga Pariseo ang umupo sa puwesto ni Moises. Pakinggan at gawin ang lahat nilang sinasabi pero huwag silang pamarisan sapagkat nagsasalita sila pero hindi naman ginagawa. Naghahanda sila ng mabibigat na pasanin at ipinapatong sa mga balikat ng mga tao. Nginit hindi nila ikinikilos ni isang daliri para galawin ang mga iyon. Pakitantao lamang ang lahat nilang ginagawa; dahil dito, malalapad na laso ang Kasulatan ang gusto nila para sa kanilang mga noo, at mahahabang palawait sa kanilang balabal. Gusto nilang mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga handaan at sa sinagoga. Ikinatutuwa rin nilang mabati sa mga liwasan at matawag na guro ng mga tao. “Huwag kayong patawag na ‘guro’ sapagkat isa lamang ang Guro ninyo at magkakapatid kayong lahat. Huwag din n’yong tawaging  ‘ama’ ang sinuman sa mundo sapagkat iisa lamang ang inyong Ama, siya na nasa Langit. Huwag din kayong patawag na ‘gabay’ sapagkat iisa lamang ang inyong Patnubay, si Kristo. Maging alipin n’yo ang pinakadakila sa inyo. Sapagkat ibababa ang nagpapakataas at itataas ang napapakababa.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Rolly Garcia Jr., Director ng Biblical apostolate ng Archdiocese of Manila ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Sa ating Ebanghelyo ngayon, napakinggan natin ang pangaral ni Hesus tungkol sa kababaang-loob.  Nagbigay siya ng babala tungkol sa mga saserdote at mga Pariseo na mapagpanggap at mapagmataas, nagtuturo sila ng batas, pero hindi naman sila sumusunod sa kanilang mga itinuturo.  Mga kapatid, sa ating buhay, tayo rin ay may mga tungkulin at responsibilidad, gaya ng mga pinuno noong panahon ni Hesus.  Pero dapat nating tandan, na ang kababaang-loob ay mahalaga. Hindi sapat na tayo ay nagtuturo ng mabuti at tama, kundi tayo rin ay dapat maging halimbawa ng mga tapat na alagad ng Panginoon. Inaanyayahan tayo ng Panginoon na maging mga lingkod ng isa’t isa. Dapat nating paglingkuran ang isa’t-isa nang may pagmamahalan at kababaang-loob. Ang tunay na kapayapaan at kagalakan ay natatamo natin sa pamamagitan ng pagiging tapat na mga lingkod ng Diyos at ng kapwa natin.