BAGONG UMAGA
Isang Masigla at puno ng pag-asang araw ng Lunes minamahal kong kapatid kay Kristo. Ika-labintatlo ngayon ng Nobyembre, ginugunita natin si Santa Francisca Javier Cabrini. Siya ang tagapagtatag ng mga madreng Misyonera ng Mahal na Puso, na nagtaguyod ng maraming paaralan, ospital at bahay-ampunan sa Estados Unidos, Timog Amerika, Mexico, Englatera at Espana. Ang kanyang paalala sa atin: Magmahalan kayo. Magpakasakit alang-alang sa kapwa, laging maging maunawain at maamo. Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Maririnig natin ang panawagan ng Panginoong Hesus na huwag tayong maging sanhi ng pagkakasala ng ating kapwa, sa Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata Labimpito, talata isa hanggang anim.
EBANGHELYO: Lk 17:1-6
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Hindi maaaring walang katitisuran at magpapabagsak sa taong maghahatid nito. Mas makabubuti pa sa kanya na talian ng gilingang bato sa leeg at ihagis sa dagat kaysa tisurin at pabagsakin ang isa sa maliliit na ito. Mag-ingat kayo. Kung magkasala ang kapatid mo, pagsabihan mo s’ya at kung magsisi’y patawarin mo. At kung pitong beses s’yang magkasala sa iyo sa isang araw at pitong beses din s’yang bumalik sa ‘yo na nagsisisi, patawarin mo s’ya.” Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan mo ang aming pananampalataya.” Sumagot ang Panginoon, “Kung may pananampalataya kayong sinlaki ng buto ng mustasa, masasabi ninyo sa punong mala-igos na ‘yan, ‘Mabunot ka at sa dagat ka matanim’, at susundin kayo nito.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Alam ni Hesus na may mga pagkakataong tayo’y magkakamali, magkakasala, pipiliin ang mapariwara, tatahakin ang landas papalayo sa Kanya at sa ating kapwa. Kung kaya isa sa mga dakilang handog Niya, ang Sakramento ng Pagbabalik-Loob. Isang biyayang nagbibigay sa atin ng kakayahang humingi ng tawad at magpatawad. Opo, sa sakramentong ito, hindi lamang tayo humihingi ng tawad sa mga nagawang kasalanan sa Panginoon at sa ating kapwa, nagpapatawad din tayo, sa mga taong nakagawa ng hindi mabuti sa atin. Sa panalanging ito na itinuro sa atin ni Hesus, ang mga katagang, “at patawarin mo kami sa aming mga sala, para nang pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin,” dito, humihingi tayo ng tawad, at nagpapahayag din na patatawarin ang mga nagkakasala sa atin. Mga kapatid, tunay nga bang nagpapatawad tayo sa mga nakasakit sa atin? Isang positibong impluwensya ang gawaing pagpapatawad. Sa panahon ngayong naglipana ang mga samu’t-saring impluwensiya sa mundo, nawa’y pagsikapan nating maging positibong impluwensiya, sa pamamagitan ng pagtulad kay Hesus, na hindi nagsasawang magpatawad sa atin, paulit-ulit man ang ating pagkakasala. Naway tayo rin, sa ating paghingi ng tawad sa Diyos Ama, maging katulad ni Hesus, magsumikap na maging mapagpatawad sa lahat ng pagkakataon, isulong ang kultura ng pagpapakumbaba at kabutihan sa isa-isa.