Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 16, 2023 – HUWEBES SA IKA-32 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON | Santa Margarita ng Escosia, reyna/ Santa Gertrudes, dalaga

BAGONG UMAGA

Mapagpalayang araw ng Huwebes minamahal kong kapatid kay Kristo.  Kamusta po kayo?  Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan, at pinalalakas ng Salita ng Diyos na araw-araw n’yong napakikinggan at napagninilayan.  Ginugunita natin ngayon sina Santa Gertrudis Magna at Santa Margarita Alacoque. (Si Santa Gertrudis ang sumulat tungkol sa Mahal ng Pasyon ng Panginoon, sa mga kaluluwa sa Purgatoryo at sa Mahal na Puso ni Hesus.  Nangyari ito, bago pa ang pangitain ni Santa Margarita Alacoque noong 1675.) Pasalamatan natin ang Diyos sa mga banal na ito, at sa tulong ng kanilang panalangin, hilingin nating maging kasangkapan tayo ng Panginoon sa pagsaksi sa Kaharian ng Langit na sumasaatin na.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Maririnig natin ang paliwanag ng Panginoong Hesus tungkol sa Kaharian ng Diyos, sa Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata Labimpito, talata dalawampu hanggang dalawampu’t lima.

EBANGHELYO: Lk 17:20-25

Tinanong si Hesus ng mga Pariseo kung kailan darating ang paghahari ng Diyos at sumagot siya: “Hindi lantaran ang pagdating ng Kaharian ng Diyos; di masasabing ‘Narito o naroroon,’ nasa inyo na nga ang Kaharian ng Diyos.” Sinabi ni Hesus sa mga alagad: “Darating ang panahon na pananabikan ninyong makita ang isa sa mga pagpapakita ng Anak ng Tao at hindi naman ninyo makikita. At may magsasabi sa inyo ‘Narito siya, naroon.’ Huwag kayong pupunta, huwag maghahanap. Sumisiklab nga ang kidlat at nagniningning mula sa isang dako ng Langit hanggang sa kabila, gayundin naman ang Anak ng Tao sa araw ng kanyang pagdating. Subalit kailangan muna niyang magtiis nang marami at itakwil ng mga tao sa kasalukuyan.”

PAGNINILAY

Narinig natin ang malinaw na tugon ng Panginoon sa tanong ng mga Pariseo, “Nasa inyo na nga ang Kaharian ng Diyos.”  Totoo ito mga kapatid. Sumasaatin na nga ang Kaharian ng Diyos nang dumating ang Panginoong Hesus. Pero ang kaganapan ng Kaharian ng Diyos, darating pa sa wakas ng panahon.  Sa ngayon, nasa kalagitnaan tayo ng dalawang magkahiwalay na panahon – ang panahong natapos na, at ang panahong darating pa.  Tinatawag ito sa Teolohiya na “already but not yet.”  At habang namumuhay tayo sa gitna ng dalawang panahon, tinatawagan tayong maging saksi ng paghahari ng Diyos sa lupa, sa pamamagitan ng pagpapasan ng ating krus nang may pagmamahal katulad ng Panginoong Hesukristo.  Mga kapatid, nang ialay ng Panginoon ang Kanyang buhay para sa ating kaligtasan, sa pamamagitan ng kanyang paghihirap, pagkamatay at Muling Pagkabuhay – itinatag Niya ang Kaharian ng Diyos dito sa lupa.  Ang Simbahan ang kumakatawan sa Kahariang ito.  Ang Simbahan ang nagpapatuloy sa mapanligtas na gawain ng Diyos sa pamamagitan ng mga Sakramento. Siya ang nagiging daluyan ng biyaya at pagpapala ng Diyos sa pamamagitan ng mga Sakramentong ating tinanggap at patuloy na tinatanggap.  Tayong mga mananampalataya, ang Simbahang tinipon ng Diyos na inatasan Niyang mamuhay sa pagmamahal at pagpapakabanal.  Bilang kasapi ng Simbahang itinatag ng Panginoong Hesus dito sa lupa, nahaharap tayo sa hamong maging tagapagpalaganap ng Mabuting Balita sa salita at gawa.   Nahaharap tayo sa hamong isabuhay ang Salita ng Diyos nang magbunga ito ng siksik, liglig at umaapaw na biyaya sa ating pamilya at kapwa. 

PANALANGIN

Panginoon, papagningasin Mo po ang apoy ng Banal na Espiritu sa aking puso, nang maging marapat na saksi ako ng Iyong paghahari dito sa lupa.  Amen.