Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 17, 2023 – BIYERNES SA IKA-32 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON |  Santa Isabel ng Unggaria, namamanata sa Diyos (Paggunita)

BAGONG UMAGA

Magandang-magandang araw ng Biyernes ginigiliw kong kapatid kay Kristo.  Dakilain ang Diyos nating mapagkalinga at mapagmahal, sa patuloy na pagkakaloob sa atin ng pagkakataong maihanda ang ating sarili sa Kanyang pagdating.  (Habang nalalapit na tayo sa pagtatapos ng kalendaryong liturhiko, nakatuon sa wakas ng panahon ang mga pagbasang napapakinggan natin, makailang araw na.  Ang paanyayang maging laging handa ang nangingibabaw na tema, dahil tunay na hindi natin nalalaman kung kailan darating ang Panginoon.)  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Maririnig  natin ang pahayag ni Hesus na mawawalan ng kanyang sarili ang sinumang magligtas nito, sa Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata labimpito, talata dalawampu’t anim hanggang tatlumpu’t pito.

EBANGHELYO: Lk 17:26-37

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Tulad ng nangyari sa panahon ni Noe, gayundin sa mga araw ng Anak ng Tao. Kumakain sila at umiinom, nag-aasawa ang mga lalaki at babae, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong at dumating ang baha na pumuksa sa lahat. Tulad sa panahon ni Lot: kumakain sila at umiinom, nagtitinda at namimili, nagtatanim at nagtatayo. At nang lumabas si Lot mula sa Sodom, nagpaulan ang Diyos mula sa Langit ng apoy at asupre na pumuksa sa lahat. Ganito rin sa araw na ibubunyag ang Anak ng Tao. Sa araw na iyon, huwag nang bumaba pa sa bahay ang nasa terasa para kunin ang kanyang mga gamit at huwag nang umuwi pa ang nasa bukid. Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot. Mawawalan ng kanyang sarili ang sinumang nagsisikap na magligtas nito at ang mawawalan naman ng sarili ang magsisilang nito sa buhay. Sinasabi ko sa inyo: kung may dalawa sa isang higaan sa gabing iyon, dadalhin ang isa at iiwan ang isa pa; kung may dalawang babaeng magkasamang gumigiling, dadalhin ang isa at iiwan ang isa pa.” At itinanong naman nila: “Saan, Panginoon?” Sumagot siya: “Kung nasaan ang katawan, doon nagtitipon ang mga buwitre.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  (May isang dalagang nagdi-discern ng kanyang bokasyon na nakipag-usap sa akin. Para daw kasing tinatawag siya ni Hesus na magmadre. Nagtanong siya: “Sister, kapag pumasok ako sa kumbento, pwede pa rin ba akong mag-ayos ng kilay?”  Nabigla ako – akala ko’y mali lang ang dinig ko, kaya’t nagtanong ako: “Ha?”  Patuloy niya: “Alam mo naman, Sr. Rose, ‘kilay is life’!!! At sabay kaming nagtawanan.) // Magandang pagnilayan natin ngayon kung ano nga ba ang mahalaga sa ating buhay? Ipinapaalala sa atin ni Hesus ang asawa ni Lot sa Mabuting Balita, at sinabi niya: “Ang sinumang magsikap na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay ay siyang makakapagligtas nito.” Noong inililigtas ng anghel ang pamilya ni Lot sa pagkawasak ng Sodom at Gomora, sinabihan sila na huwag lilingon. Lumingon ang asawa ni Lot sa kanilang mga ari-arian at lahat ng nakasanayan niya, at siyaý naging haliging asin! // Kapatid, hangga’t hindi tayo maka-usad mula sa mga bagay na ating pinanghahawakan, lahat ng nagbibigay sa atin ng security, hindi natin matitikman ang kalayaan ng mga anak ng Diyos. Mawawala itong lahat na parang bula, at maninigas tayong tulad ng isang estatwang asin. Pero kung tatalikdan nating ang lahat ng ating ari-arian, ang nakasanayang buhay, pati na ang lahat ng galit at sama ng loob, malaya tayong makakaharap sa kinabukasang puno ng pag-asa, pagmamahal at pagkakaisa.

PANALANGIN

Panginoon, salamat sa lahat ng biyayang ipinagkakaloob mo sa amin. Maging bukas nawa kaming talikuran ang kahapon upang buong-puso naming tanggapin ang malayang bukas na iniaalay mo sa amin. Amen.