BAGONG UMAGA
Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa Ika-tatlumpu’t Tatlong Linggo sa Karaniwang Panahon ng ating Liturhiya. Pasalamatan natin Siya sa pagkaloob sa atin ng mga talento at kakayahan. Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata Dalawampu’t lima, talata Labing-apat hanggang Labinglima, Labingsiyam hanggang dalawampu’t isa.
EBANGHELYO: Mt 25:14-15, 19-21
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ipagpalagay natin na may isang tao, na bago mangibambayan ay tinawag ang kanyang mga katulong at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang mga ari-arian. Limang talentong pilak ang ibinigay niya sa una, dalawa naman sa isa pa, at isa sa pangatlo, batay sa kaya ng bawat isa. At saka umalis. Pagkaraan ng matagal na panahon, bumalik ang amo ng mga katulong na ito at hiningan sila ng pagsusulit. Kaya lumapit ang nakatanggap ng limang talento dala ang tinubong lima pang bareta at sinabi: ‘Panginoon ipinagkatiwala mong limang bareta sa akin at tingnan mo, tumubo pa ako ng limang talento.’ Sumagot ang amo: ‘Mabuti, mabait at matapat na katulong; dahil naging tapat ka sa kaunting bagay, pagkakatiwalaan kita ng higit pa rito. Halika at makibahagi sa kaligayahan ng iyong panginoon.’ Sa bandang huli, dumating ang nakatanggap ng isang talento at nagsabi: ‘Panginoon, alam kong mahigpit kang tao, inaani mo ang di mo itinanim at nililikom ang hindi mo ipinagnenegosyo, natakot ako kaya itinago ko yong talento sa lupa. Heto ang sa iyo.’ Ngunit sinagot siya ng kanyang amo: ‘Masama at walang kuwentang katulong. Alam mo palang inaani ko ang hindi ko itinanim at nililikom ang hindi ko ipinagnenegosyo. Sana’y dinala mo sa bangko ang aking pilak at mababawi ko ang sa akin pati na ang tubo pagdating ko. Kaya kunin ang talento sa kanya at ibigay ito sa may sampu pa. Sapagkat sa sinumang meron, bibigyan pa s’ya at magkakaroon ng sagana, ngunit ang wala, maging ang sa kanya ay aagawin sa kanya. Para sa walang silbing katulong, itapon siya sa dilim kung saan may iyakan at pagngangalit ng ngipin.’”
PAGNINILAY
Isinulat ni Fr. Rolly Garcia Jr. ang pagninilay sa Ebanghelyo. Ngayong Linggo ay World Day of the Poor. Inaanyayahan tayo ni Pope Francis na ilaan ang araw na ito para sa pananalangin at pagtulong sa mga kapatid nating dukha. Sa ating Ebanghelyo ngayon, ipinaliwanag ni Hesus ang kahalagahan ng wastong paggamit ng ating mga talento at yaman sa pamamagitan ng isang talinghaga. Tulad ng mga tauhan sa talinghaga, binigyan tayo ng Diyos ng mga biyaya, hindi lamang para sa ating sariling kapakanan, kundi upang maglingkod sa Kanya at sa ating kapwa. Sa pagdiriwang natin ng World Day of the Poor, inaanyayahan tayo na maging mas sensitibo sa mga pangangailangan ng mga maralita sa ating paligid. Ito ay pagkakataon natin na ibahagi ang ating yaman at kakayahan, sa mga taong nangangailangan ng tulong at pagmamahal. Hindi po lahat ay may parehong kakayahan at yaman, pero ang mahalaga ay ang pagiging handa nating mag-ambag sa abot ng ating makakaya. Ang anumang maitutulong natin, gaano man ito kaliit, ay may halaga sa mga mata ng Diyos.