BAGONG UMAGA
Purihin ang Diyos sa pagdiriwang natin ngayon ng Pagdadala sa Mahal na Birheng Maria sa Templo! Pasalamatan natin Siya sa masidhing pananalig nina Santa Anna at San Joaquin, (mga magulang ng Mahal na Birheng Maria) na hindi nawalan ng pag-asa, at walang humpay na nananalangin sa Diyos na pagkalooban sila ng anak. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata Labing dalawa, talata apatnapu’t anim hanggang Limampu.
EBANGHELYO: Mt 12:46-50
Pumasok si Hesus sa Jerico at dumaan sa siyudad. At may isang taong nagngangalang Zakeo. Pinuno siya ng mga kolektor ng buwis at napakayaman. Sinikap niyang makita kung sino si Hesus pero pandak siya at hindi niya magawa dahil sa dami ng mga tao. Kaya patakbo siyang umuna at umakyat sa isang punong-malaigos para makita si Hesus pagdaan doon. Pagdating ni Hesus sa lugar na iyon, tumingala siya at sinabi sa kanya: “Zakeo, bumaba ka agad. Sa bahay mo nga ako dapat tumigil ngayon.” Nagmamadali siyang bumaba at tuwang-tuwang tinanggap si Hesus. Inireklamo naman sa isa’t isa ng lahat ng nakakita rito: “Sa bahay ng isang lalaking makasalanan siya nakituloy.” Ngunit tumayo si Zakeo at sinabi sa Panginoon: “Panginoon, ibibigay ko sa mga dukha ang kalahati ng aking mga ari-arian; at kung may nadaya ako, apat na beses ko siyang babayaran.” At sinasabi sa kanya ni Hesus: “Dumating ngayon ang kaligtasan sa sambahayang ito dahil anak nga ni Abraham ang taong ito. At dumating ang Anak ng Tao para hanapin at iligtas ang nawawala.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Cl. Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Ayon sa tradisyon ang pangalan ng mga magulang ng ating Mahal na Birheng Maria ay sina Sts. Joachim at Anne. Kahit na matagal na silang mag-asawa, hindi sila mabiyayaan ng isang anak dahilan sa baog si Sta. Ana. Dahil sa masidhing kagustuhang magka-anak pumunta si San Joaquin sa Templo at humiling na magka-anak. Matapos ay tumungo’t nanatili sya sa iisang lugar upang walang tigil na manalangin. Malungkot si Sta. Ana, hindi niya makita ang kanyang asawa. Alam niya ang dahilan. Kaya naman, siya rin ay nanalangin at nangako sa Diyos. “Panginoon, kung ako ma’y bibiyayaan mo ng isang anak, siya’y iaalay ko upang iyong maging lingkod.” Matapos ang kanilang masidhing panalangin, nagpakita ang anghel ng Panginoon sa mag-asawa at binalitang sila’y bibiyayaan ng anak. Masaya sila sa pagdating ni Maria, kaya noong siya’y tatlong taong gulang, si Maria’y inialay sa templo, bilang pagtupad sa pangako ng kanyang Inang si Sta. Ana. Mga kapanalig, sa tuwing tumatanaw tayo ng biyayang buhat sa Diyos, wala namang iba pang masasabi ang puso kundi magpasalamat. Matuto tayo sa pamilya nina Sta. Ana, Maria at San Joaquin—ang kani-kanilang buhay na kapwa itinalaga para sa Diyos. Dahil, kung tayo rin ay mag-aalay ng buhay tulad nila, walang ibang salitang sasambitin ang ating mga puso kundi—salamat!