BAGONG UMAGA
Mapayapang araw ng Miyerkules kapatid kay Kristo. Dakilain ang Diyos nating Tagapaglikha na nagkaloob sa atin ng mga katangi-tanging kakayahan upang ating linangin at paunlarin para sa Kanyang kapurihan. Ako si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata labing siyam, talata labing isa hanggang dalawampu’t walo.
EBANGHELYO: Lk 19:11-28
Malapit na sa Jerusalem at akala ng mga taong kasama niya’y agad na ipakikita ang Kaharian ng Diyos. Kaya sa kanilang pakikinig ay isa pang talinhaga ang inilahad sa kanila ni Hesus. Sinabi niya: “May isang maharlikang tao na pumunta sa malayong lupain para mahirang na hari at saka siya babalik. Tinawag niya ang sampu niyang katulong at binigyan sila ng tig-iisang baryang ginto at sinabi sa kanila: ‘Ipagnegosyo ninyo ito hanggang sa aking pagbalik.’ Namumuhi sa kanya ang kanyang mga kababayan kaya nagsugo sila ng ilang kinatawan para sabihin: ‘Ayaw naming maghari sa amin ang taong ito.’ Gayon pa ma’y bumalik siya pagkahirang bilang hari. Ipinatawag niya ang mga katulong na binigyan niya ng baryang ginto para malaman kung magkano ang tinubo ng bawat isa. Humarap ang una at sinabi: ‘Panginooon, tumubo pa ng sampu ang barya mong ginto.’ Sumagot siya: ‘Magaling, mabuting utusan; dahil naging matapat ka sa maliit na bagay, mapamamahala kita sa sampung lunsod.’ Dumating ang ika-lawa at sinabi: ‘Panginoon, tumubo ng lima pa ang iyong baryang ginto.’ Sinabi nito sa kanya: ‘Mamamahala ka sa limang lunsod.’ Dumating ang isa pa at sinabi: ‘Panginoon, narito ang iyong baryang ginto. Binalot ko ito sa isang panyo at itinago. Natatakot ako sa iyo dahil mapaghanap kang tao, kinukuha mo ang di mo idineposito at inaani ang di mo inihasik.’ Sinabi sa kanya ng panginoon: ‘Masamang utusan, sa sarili mong mga salita kita hahatulan. Alam mo palang mapaghanap ako, na kinukuha ko ang hindi ko idineposito at inaani ang hindi ko inihasik, bakit hindi mo idineposito sa bangko ang aking baryang ginto? At makukubra ko sana iyon pati na ang interes pagbabalik ko.’ At sinabi niya sa naroon: ‘Kunin sa kanya ang baryang ginto at ibigay sa may sampu.’ Sumagot sila: ‘Panginoon, may sampung baryang ginto na siya.’ ‘Sinasabi ko sa inyo: bibigyan ang meron pero aalisan ang wala, kahit na ang meron siya ay kukunin sa kanya. Ngunit dalhin n’yo rito ang aking mga kaaway na ayaw akong maghari sa kanila at patayin sa harap ko.’” Pagkasabi nito, umuna si Hesus sa kanila pa Jerusalem.
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Ang isang bagay lalo’t hindi pinaghirapan, madalas hindi pinanghihinayangang mawala o maubos. Pero kung ang bagay o ari- arian man ay pinaghirapang makamtan, hindi mo ito basta-basta wawaldasin o itatapon. Ang Mabuting Balita ay usapin tungkol sa pagpupunyagi, pagsisikap at pagtitiwala. Nakita natin na pinagkatiwaan ang mga utusan ng kanya- kanyang bilang ng salaping ginto. Sa una, ang ginto ay nagtubo ng sampu. Sa ikalawa, lima naman ang tinubo. Sa ikatlo, dahil sa takot sa Panginoon ay itinago ang ginto at wala itong tinubo. Ang tatlong utusan ay pinagkatiwaan, pero iba iba ang kanilang naging sulit sa Panginoon. Mga kapatid, kung minsan, ang takot ay nagiging hadlang sa ating paglago at pag- unlad tulad ng nangyari sa ikatlong utusan. Maging matatag nawa tayo sa mga gawaing ipinagkatiwala sa atin. Gamitin nawa natin ang lahat ng talino, husay at angking lakas upang lumago sa ating buhay.
PANALANGIN
Panginoon tulungan Mo po kaming gamitin ang angking talino at lakas upang magampanan namin ang anumang ipinagkatiwala Mong gawin namin dito sa lupa nang naaayon sa Iyong banal na kalooban. Maging masikap nawa kami sa pag-unlad ng buhay upang makapagbigay kami ng maayos na sulit sa Iyong harapan. Amen