BAGONG UMAGA
Mapagpalayang araw ng Huwebes mga masugid naming tagasubaybay ng programang ito. Dakilain ang Panginoong Diyos sa pagpahiram sa atin ng panibagong buhay at kalakasan. Bawat araw na pinapahiram sa atin ng Diyos, panibagong pagkakataon upang gumawa ng mabuti, pagsisihan ang kasalanan, at punan ang ating mga pagkukulang sa nakalipas na araw. Muli, ihabilin natin sa Diyos ang mabubuti nating hangarin sa buong maghapon, at hilinging pangunahan tayo sa pagtupad ng ating mga tungkulin. Ako si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Matutunghayan natin sa Mabuting Balita ang pag-iyak ni Hesus sa nakaambang pagbasak ng Jerusalem. Pakinggan natin ang kabuuan ng kuwento ayon kay San Lukas kabanata Labing-siyam, talata apatnapu’t isa hanggang apatnapu’t apat.
EBANGHELYO: Lk 19:41-44
Nang malapit na siya at kita na ang lunsod, iniyakan ito ni Hesus: “Kung nalalaman mo lamang sana sa araw na ito ang daan sa kapayapaan! Ngunit ngayo’y hindi mo ito nakikita. Sasapit sa iyo ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, kukubkubin ka at sisikilin sa lahat ng dako. Iguguho ka nila sa iyong mga anak at walang iiwang magkapatong na bato sa iyo. Sapagkat hindi mo nalaman ang panahon ni ang pagdalaw ng iyong Diyos.”
PAGNINILAY
Mga kapatid, ang pangalan ng lungsod ng Jerusalem ay may pagkakaugnay sa salitang kapayapaan. Ang nakakalungkot, tila hindi pinahahalagahan ng mamamayan nito ang pagkamit ng kapayapaan. Katunayan, tinanggihan nila at hindi kinilala ang tagapaghatid ng tunay na kapayapaan na nagmula sa Langit, walang-iba kundi ang Panginoong Hesus. Ang katigasan ng puso ng mga taga-Jerusalem, ang nagpaiyak kay Hesus. Umiyak Siya, hindi dahil naawa Siya sa Kanyang sarili; kundi naawa Siya sa mga taong ayaw magbukas ng puso sa pagmamahal ng Panginoon at sa kapayapaang handog ng pagmamahal na ito. Tinanggap nga Siya ng mga tao noong pumasok Siya sa lungsod ng Jerusalem, pero hindi bilang tagapaghatid ng kapayapaan, kundi bilang isang mandirigma na inaasahan nilang magpapalaya sa kanilang pagka-alipin mula sa mga kamay ng Romano. Pero hindi iyon ang misyon ng Panginoong Hesus. At dahil dito, nagsimula na silang magalit sa Panginoon at gumawa ng mga paraan upang Siya’y ipapatay. Ang mga pangyayaring ito sa buhay ng Panginoon ay patuloy pa ring nangyayari ngayon sa ating panahon. Mayroon tayong sariling plano sa buhay; at kahit ang Diyos ayaw nating makikialam. Para bang tayo ang may kontrol ng lahat; at kung hindi natin makakamit ang gusto natin, nagrereklamo tayo at sinisisi ang Diyos. Mga kapatid, nais natin ng kapayapaan, pero ayaw naman nating tanggapin ang inihahandog na kapayapaan ng Panginoon. Ito’y sa dahilang nais din nating makamit ang inihahandog ng mundo, na kalimitang naghahatid sa atin ng kaguluhan ng isip at sakit ng puso.
PANALANGIN
Panginoon, hangad ko pong maghari ang Iyong kapayaan sa aking puso, nang maging tagapaghatid din ako ng kapayapaan sa iba. Sikapin ko nawa laging iayon ang aking buhay Sa’yong mahal na kalooban, nang makamit ko ang tunay na kapayapaan. Amen.