BAGONG UMAGA
Magandang-magandang araw ng Biyernes minamahal kong kapatid kay Kristo. Ito po muli ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Ika-dalawampu’t apat ngayon ng Nobyembre, ginugunita natin si San Andres Dung-Lac na isang pari, at mga kasama na mga martir sa bansang Vietnam. (Itinanghal silang banal ni Santo Papa Juan Pablo Ikalawa noong taong 1988, dahil sa ipinamalas nilang pagmamahal sa Kristiyanong pananampalataya.) Pasalamatan natin ang Diyos sa mga banal na ito, at sa tulong ng kanilang panalangin hilingin nating lumago tayo sa pagsabuhay ng ating pananampalataya. (Araw-araw, tinuturuan tayo ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Salita kung papaano tayo lalago sa ating pananampalataya at tunay na pagsamba sa Kanya.) Kasama sa paglago sa pananampalataya ang paggalang sa bahay dalanginan, at pag-obserba ng wastong pananamit at gawi sa loob ng Simbahan. Ito ang tema ng Mabuting Balitang maririnig natin ayon kay San Lukas kabanata labing-siyam talata apatnapu’t lima hanggang apatnapu’t walo.
EBANGHELYO: Lk 19:45-48
Pumasok si Hesus sa patyo ng Templo at pinalayas ang mga nagtitinda, at sinabi niya: “Nasusulat, ‘Magiging bahay-dalanginan ang aking bahay,’ pero ginawa ninyong pugad ng mga magnanakaw!” Araw-araw na nangangaral si Hesus sa Templo. Hangad siyang patayin ng mga punong-pari at mga guro ng Batas, kasama ang mga Matatanda ng bayan. Ngunit wala silang magawa dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.
PAGNINILAY
Isinulat ni Cl. Russel Patolot ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Noong kabataan natin, isa sa mga pinakamahalagang kasanayang itinuturo sa atin ng ating mga magulang ay ang pagpapanatili ng kalinisan sa sarili at sa kapaligiran. Ika nga, “cleanliness is next to godliness”. Siguradong may mga karanasan tayo na napagsabihan o napagalitan, dahil sa ating minsang kapabayaang maglinis o panatilihing malinis ang ating mga damit, ang ating tahanan, silid-aralan, mga opisina, at iba pa. Bakit? Importante ang kalinisan dahil ipinapakita nito ang ating pagpapahalaga at paggalang para sa ating mga sarili, sa ating kapwa, at sa ating kapaligiran. // Sa katunayan, ganyan rin ang nais ipaunawa sa atin ng Panginoon sa mga tagpo sa ebanghelyo ngayon. Nagalit si Hesus, dahil hindi iginalang ang kabanalan ng Templo bilang tahanan ng Diyos at bahay-dalanginan. Dagdag pa rito ang tahasang paglimot sa pananalangin para sa pagnenegosyo. Napakasakit ng kabalintunaang ito: kay daling limutin ang Panginoon sa Kanyang sariling tahanan! Sa ating pagsusumikap maging banal, minsan, nakakaligtaan natin ang Diyos, dahil masyado nating napagtutuunan ng pansin ang buhay-paglilingkod na hindi na nakaugat sa isang buháy na pakikipagrelasyon sa Kanya. Hinog sa pilit ang ating kabanalan, kung gayon! Magiging makahulugan ang ating pagmimisyon araw-araw, kung ang ating mga gawain ay bunga ng ating buhay-panalangin. Ika nga ni Hesus, “hindi kayo makapamumunga kung hindi kayo mananatili sa akin” (Jn 15:5).
Mga kapatid, kung tunay na mahal natin si Hesus, huwag natin hayaang lumipas ang isang araw na hindi tayo nakikipag-usap sa Kanya sa panalangin. Manalangin tayong lagi mula sa ating mga puso na siyang templo ng Espiritu Santo, upang makatagpo natin ang Siyang una’t laging nagmamahal sa atin. Tanging sa paraang ito lamang tayo magiging mabunga sa ating pagmamahal sa isa’t isa.