BAGONG UMAGA
Isang masigla at puno ng pag-asang araw ng Lunes ginigiliw kong kapatid kay Kristo. Dakilain natin ang Diyos sa patuloy na pagkakaloob sa atin ng mga biyayang kinakailangan natin sa buhay. Pasamatan natin Siya sa mga panalangin nating Kanyang tinugon, maging sa mga panalangin nating hindi o maghintay pa ang Kanyang tugon. Dahil nananalig tayo na bilang ating Tagapaglikha, “God knows best!” At ipinagkakaloob lamang ng Diyos ang mga kahilingan nating tunay na makabubuti sa atin. Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Panawagang magbigay ng taos-puso nang walang hinihintay na kapalit ang hamon ng Mabuting Balita ngayon, ayon kay San Lukas kabanata dalawampu’t isa, talata isa hanggang apat.
EBANGHELYO: Lk 21:1-4
Tumingin si Jesus at may mayayaman na naghuhulog ng kanilang abuloy sa kabang-yaman. At nakita rin niya ang isang pobreng biyuda na naghulog ng dalawang barya. At sinabi niya: “Talagang sinasabi ko sa inyo na pinakamahalaga sa lahat ang inihulog ng dukhang biyudang ito. Naghulog nga silang lahat sa kabang-yaman mula sa sobra nila subalit inihulog naman niya mula sa kanyang kasalatan ang buo niyang kabuhayan.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. “Sapagkat ang inabuloy nilang lahat ay iyong lumabis sa kanila, ngunit ang inihulog ng balong ito ay ang buo niyang kabuhayan sa kabila ng kanyang paghihikahos”. Ang pagkakawang gawa ay laging kalugod-lugod sa mga mata ng ating Panginoong Hesus. Sinasabi lagi ng aming Nanay, sana pagkalooban ako ng Diyos ng maraming pera para laging makatulong. Nakikita ko ang Nanay na gusto laging magtipid para may hawak syang pera. Bakit? Dahil kapag may biglang nangailangan ng pera at humingi ng tulong, may maibibigay sya. Mga kapatid, hindi natin kailangan na dumami ang pera para makatulong. Nagpapakita ang Mabuting Balita ngayon, na anumang munting maibabahagi ay malaking halaga nang maituturing. Magbigay tayo at tumulong hindi galing sa sobra, kundi bahagi ng ating ikinabubuhay sa pang-araw araw. Yong dama natin sa puso na may kirot, pero may kapalit na galak sa puso sa pagbibigay. Mga kapatid, maraming pagkakataon sa karanasan ng Nanay, na kapag itinulong niya sa kapwa ang kahit konting pera na matagal na niyang itinago, madalas babalik ng doble o mas higit pa sa halagang ibinahagi nya. Sinasabi ko din sa Nanay, wag lang magkakasakit ng malubha, isa man sa aming pamilya, malaking biyaya na ito mula sa Diyos. O kung sakali mang may pagsubok na dumating at kami naman ang mangailangan ng tulong, naroon ang makalangit na paghingi ng awa at tulong sa Panginoon Hesus. Walang natatago sa mga mata ng Diyos. Anumang paghihirap ang ating dinaranas sa buhay, manalig at magtiwala na mga kamay ng Diyos laging gagabay. Sabi ng isang madre namin, sa kanyang message sa akin, “Sometimes sunod sunod ang pagsubok, pero hindi nauubos ang grasya ng Diyos.” Mga kapatid, may kalayaan sa takot, may kalayaan sa pangamba, luha may dumaloy sa ating mga mata, dahil sa bigat ng pinapasang pagsubok, lakasan natin ang panalangin sa Diyos. Mula sa langit, lalagi Siyang nakatunghay at tayo ay yayakapin. Amen.