BAGONG UMAGA
Mapagpalang araw ng Martes kapatid kay Kristo! Kumusta po kayo? Nawa’y nasa Mabuti kayong kalagayan, at laging sinasamantala ang bawat araw na pinapahiram ng Diyos upang makagawa ng maraming kabutihan/ bilang tugon sa panawagan Niyang magmahal. Isang paraan ito ng paghahanda ng ating sarili at ng ating kaluluwa sa ating pakikipagharap sa Kanya, anumang oras Siya dumating sa ating buhay. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata dalawampu’t isa, talata lima hanggang labing-isa.
EBANGHELYO: Lk 21:5-11
May ilang nag-uusap tungkol sa Templo, at sinasabi nila na may magagandang bato ito at mamahaling palamuti. Sinabi naman ni Hesus: “Darating ang mga araw na walang matitirang magkapatong na bato sa lahat ng inyong nakikita; iguguho ang lahat.” Nagtanong sila sa kanya: “Guro, kailan ito mangyayari at ano ang tanda na sumapit na ito? Paano namin malalaman?” Sumagot si Hesus: “Mag-ingat kayo at baka kayo madaya. Maraming aangkin sa aking pangalan na magsasabing ‘Ako ang Mesiyas; ako siya,’ at ‘Palapit na ang panahon.’ Huwag kayong sumunod sa kanila. Sa pagkabalita n’yo sa digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong maligalig; mangyayari muna ito pero hindi pa ito ang wakas.” At sinabi niya sa kanila: “Magdidigmaan ang mga bayan at naglalaban-laban ang mga kaharian. Magkakaroon din ng malalakas na lindol sa maraming lugar, magkakaroon ng taggutom, magkakaroon ng mga kakila-kilabot na bagay at ng malalaki ring kababalaghan sa Langit.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Fr. Rolly Garcia Jr., Director Ng Biblical Apostolate ng Archdiocese of Manila ang pagninilay sa ebanghelyo. Nothing lasts forever. May hangganan ang lahat. Maging ang templo ng Jerusalem, na itinayo sa naglalakihan at magagandang bato at puno ng mga palamuting inihandog ng mga tao ay gumuho at nawasak. Sa ating Ebanghelyo ngayon, ipinapaalala sa atin ng ating Panginoong Hesus na ang mga bagay sa mundo ay nagmula sa Diyos, at ito’y maari niyang bawiin, anumang oras. Sa ating buhay, hindi natin alam kung kailan darating ang paghuhukom ng Diyos. Paalala ito sa atin na dapat maging laging handa. Kaya naman tanungin natin ang ating mga sarili: “Handa ba akong humarap sa Diyos sa anumang oras?” Mga kapatid, ang tunay na paghahanda ay nagmumula sa pagsusuri ng ating buhay, pagsisisi sa mga pagkukulang, at pagtanggap sa biyaya at pagmamahal ng Diyos. Hindi ito sa pag-iipon ng kayamanan na mawawasak din lang naman. Ito ay sa pagiging handa na ibigay ang ating buhay kay Hesus at maging tapat na mga alagad Niya. Magunaw man ang mundo, ang pagmamahal ng Diyos ay mananatili: His love will last forever.