Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 29, 2023 – MIYERKULES SA IKA-34 O HULING LINGGO SA KARANIWANG PANAHON  | San Saturnino

BAGONG UMAGA

Mapayapang araw ng Miyerkules minamahal kong kapatid kay Kristo.  Pasalamatan natin ang Diyos sa panibagong araw na punong-puno ng Kanyang pagpapala at pag-asa. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Panawagang magpakatatag sa gitna ng mga pag-uusig ang hamon ng Mabuting Balita ngayon ayon kay San Lukas kabanata dalawampu’t isa, talata labing-dalawa hanggang labing-siyam.  

EBANGHELYO: Lk 21:12-19

Sinabi naman ni Hesus: “Bago sumapit ang lahat ng ito, dadakpin kayo at uusigin; ibibigay kayo sa mga sinagoga at dadalhin sa mga kulungan at ihaharap sa mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan. Sasapit ito sa inyo para makapagpatotoo kayo sa akin. Isa-isip n’yo na huwag ikabalisa ang pagtatanggol sa inyong sarili dahil ako mismo ang magbibigay sa inyo ng mga salita at karunungang hindi matatagalan o masasagot ng lahat ng inyong kaaway. Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan, at papatayin nila ang ilan sa inyo. At kamumuhian kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Ngunit hindi maaano isa mang buhok sa inyong ulo. Sa inyong pagpapakatatag, ang mga sarili ninyo mismo ang inyong makakamit.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Hindi ba kayo natatakot sa pagbasa natin ngayon? Sunud-sunod na mga pandiwa, na talaga namang matitindi: “dadakpin at uusigin, lilitisin at ipabibilanggo, isasakdal kayo upang makapagpatotoo tungkol sa akin. Ïpagkakanulo kayo at kapopootan…”  // Hindi ba kapag alam ng magulang o ng pinuno ng isang grupo na may pagsubok na haharapin ang mga anak at kasama, ang sinasabi nila ay kailangang maghanda para hindi mapahamak? Ang motto nga ng mga boy’s scout at girl’s scout ay BE PREPARED! Maging laging handa.

Pero iba talaga si Hesus! Imbes na maghanda, ang sinasabi niya ay: “Ipagpasya ninyo na huwag kayong mabahala kung paano ninyo ipagtatanggol ang inyong sarili…” sa ibang salin nga: “Isaloob ninyong mabuti na huwag umisip kung paano ipagsasanggalang ang inyong sarili.” Sa English po ang nakasulat: “Make up your mind not to prepare your defense in advance.” BAKIT???  // Kasi ipapadala niya ang Banal na Espiritu at bibigyan tayo ng pananalita at karunungang hindi kayang tutulan o pabulaanan ng sinuman sa ating mga kaaway. At nangako siya: “Kapopootan kayo ng lahat dahil sa akin, ngunit hindi kayo malalagasan kahit isang hibla ng buhok. Sa inyong pagtitiis ay maililigtas ninyo ang inyong buhay.” // Kapatid ang Panginoong Hesus na gumapi na sa mundo at sa lahat ng ating mga kaaway ay kasama natin. Hindi tayo nag-iisa; manalig tayo sa kanya at huwag matakot.

PANALANGIN

Panginoon, nananalig kami sa iyong pangako na hindi mo kami pababayaan. Patatagin mo kami hanggang sa huli. Amen.