Daughters of Saint Paul

Disyembre 1, 2023 – Biyernes ng Ika–34 o Huling Linggo sa Karaniwang panahon

BAGONG UMAGA

Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa buwan ng Disyembre – ang pinakamasaya, pinaka-busy at pinakahihintay nating buwan sa buong taon.    Harinawang ang dahilan ng ating kagalakan sa buwang ito, ay ang pagdiriwang natin sa pagsilang ng ating Manunubos.  Unang Biyernes ngayon ng Disyembre, pinararangalan natin ang   Kamahal-mahalang puso ni Hesus.  Idulog natin sa Kamahal-mahalang puso ng Panginoon, na maging makahulugan ang paggunita at pagdiriwang natin ng Kanyang kapanganakan sa mundo, ang tanda ng walang-hanggang pag-ibig ng Diyos Ama sa ating lahat.  (Hilingin din natin ang tulong-panalangin ng Mahal na Birheng Maria, para sa ating mga intensiyones sa buong buwan.)  Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Maririnig natin ang pahayag ng Panginoon na “Lilipas ang Langit at lupa ngunit hindi lilipas ang aking mga Salita,” sa Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata dalawampu’t isa, talata dalawampu’t siyam hanggang tatlumpu’t tatlo.

EBANGHELYO: Lk 21:29-33

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad ang isang talinghaga: “Tingnan n’yo ang punong-igos at ang ibang mga puno. Pagkakita n’yong nagdadahon na ang mga ito, alam n’yong malapit na ang tag-init. Gayundin naman, pag napasin n’yo ang mga ito, alamin n’yong malapit na ang paghahari ng Diyos. Talagang sinasabi ko sa inyo na hindi lilipas ang salinlahing ito at mangyayari ang lahat ng ito. Lilipas ang langit at lupa ngunit hindi lilipas ang aking mga salita.”

PAGNINILAY

“Lilipas ang Langit at lupa ngunit hindi lilipas ang Kanyang salita.” Ang sinabing ito ng Panginoong Hesus ay nagpapatotoo, na ang Kanyang salita ay mananatiling buhay at mabisa sa lahat ng panahon at pagkakataon.  Isa itong kasiguruhang ibinibigay ng Panginoon sa mga taong naniniwala sa Kanyang mga ipinangaral.  Ipinapakita nito sa atin na ang tao, sa kabila ng limitasyon ng buhay sa mundong ito ay may patutunguhan.  Hindi siya paikut-ikot sa walang kabuluhang proseso.  Kung kaya ang Ebanghelyo ngayon, ay paanyaya sa atin, na maging mapagtimpi upang maituon sa mabuti… ang mga mithiing makabuluhan at makatwiran, na nagbibigay ng tumpak na direksiyon. Wika ng Panginoon, “Hindi lilipas ang aking mga salita.”  Nagpapatotoo ito sa atin, na sa Panginoong Hesus lamang natin, tunay na matatagpuan ang tamang daan. Sa Panginoong Hesus lamang, magkakaroon ng kaganapan ang ating buhay.  Sa pagsusumikap nating isabuhay ang Kanyang mga mabubuting halimbawa, tunay nating matatagpuan ang kabuluhan ng lahat ng bagay. Ayon pa kay San Agustin, “Ang nagbibigay sa Diyos nang buong pagmamahal, ay may pagtitimpi sa sarili.”  Mga kapatid, suriin natin ang ating sarili. Ang salita ng Diyos ba, na araw-araw nating pinakikinggan at pinagninilayan, ay nakakatulong sa atin upang maging mapagtimpi sa paggawa ng kasalanan?  Kung tunay tayong nagagabayan at binabago, ng buhay na Salita ng Diyos, makikita ang epekto nito sa ating buhay-pananampalataya at pakikipagkapwa tao.  Masasalamin din ito sa paraan ng ating pamumuhay, lalo na sa panahon ng pagsubok.  Dahil ang taong tunay na nagsasabuhay ng Salita ng Diyos – hindi madaling mawalan ng pag-asa.  Sa halip, patuloy na nakatayo at nakakapit sa Diyos, sa kabila ng mga unos at bagyong dumarating sa buhay. 

PANALANGIN

Panginoon, papag-alabin Mo po ang aking pagmamahal Sa’yong Salita at hayaang baguhin nito ang aking pagkatao.  Palakasin Mo po sa akin ang espiritu ng pagtitimpi sa harap ng kasalanan at tukso. Amen.