BAGONG UMAGA
Isang mabiyaya at puno ng pag-asang araw ng Lunes sa Unang Linggo ng Adbiyento! Dakilain natin ang Panginoong Hesukristo, ang Anak ng Diyos na nagkatawang tao at nakipamayan sa atin, upang iligtas tayo sa kasalanan at walang-hanggang kapahamakan. Siya ang huwaran natin ng tunay na kababaang-loob. Ako si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang tagpo ng pagpagaling ng Panginoong Hesus sa alipin ng Kapitang Romano, sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata walo, talata lima hanggang labing-isa.
EBANGHELYO: Mt 8:5-11
Pagdating ni Jesus sa Capernaum lumapit sa kanya ang isang kapitan at nakiusap sa kanya: “Ginoo, nakahiga sa bahay ang aking katulong. Lumpo siya at sobra na ng paghihirap.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Paroroon ako at pagagalingin ko siya.” Sumagot ang kapitan: “Hindi ako karapat-dapat para tumuloy ka sa bahay ko. Mag-utos ka lang at gagaling na ang aking katulong. Mababa nga lang ang ranggo ko pero pag sinabi ko sa isa sa mga kawal na nasa ilalim ko: Pumaroon ka, pumaparoon siya. At sinasabi ko naman sa isa pa: Pumarito ka at pumarito siya; at sa aking katulong: Gawin mo ito, at ginagawa niya.”
Nang marinig ito ni Jesus, humanga siya at sinabi sa mga sumusunod sa kanya: “Sinasabi ko sa inyo: marami pa akong natagpuang ganitong paniniwala sa Israel. Sinasabi ko sa inyo marami ang darating mula sa silangan at sa kanluran para makisalo kina Abraham, Isaac at Jacob sa Kaharian ng langit.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Ms. Ronalyn de Guzman ang pagninilay sa ebanghelyo. Kapatid, alin ba ang madalas mong nararanasan, ang karamdamang pisikal o karamdamang emosyonal? Karamdamang pisikal man o emosyonal ang iyong nararanasan, ramdam mo ba na ikaw ay gumagaling kaagad? Katulad ng naganap sa Mabuting Balita, ang kagalakan ni Hesus ay gayon na lamang, dahil sa pagpapakumbaba at malasakit ng kapitang Romano sa kanyang katulong. Kaya iginawad niya ang kagalingan sa kanyang katulong. Sa ating araw-araw na buhay, kung tayo’y magpapakumbaba sa Panginoon, at hilingin ang kagalingan at paghilom na ating inaasam-asam, tiyak na matatamo natin ito. Pagpapakumbaba at pagsisisi ang siyang daan upang gumaling tayo sa anumang uri ng karamdamang mayroon tayo, pisikal man o emosyonal. Matutunan nawa nating mag-let go sa mga hindi magandang bagay na nangyari sa ating buhay, upang sa huli’y makapamuhay tayo nang naaayon sa kalooban ng Diyos, at walang dala-dalang poot, galit at hinanakit.
PANALANGIN
Panginoon turuan mo po ang aming puso na magsisi sa lahat ng kasalanang aming nagawa, at magpatawad sa lahat ng tao na nakasakit sa aming kalooban. Hindi man kami karapat dapat sa inyong harapan, pero, alam po namin na sa kabila ng aming pagkukulang, pagkakasala sa isip, sa salita at sa gawa, pinapatawad N’yo pa rin po kami, dahil kayo ang aming Panginoon na mahabagin. Amen.