BAGONG UMAGA
Maligayang Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Birheng Maria – Pangunahing Patrona ng Pilipinas. Happy Fiesta po sa mga parokyang nagdiriwang ng Kapistahan ngayon, ganundin sa mga nagdiriwang ng kaarawan at anibersaryo ng kasal, o religious profession. Isang mainit na pagbati po sa inyong lahat. Ito po muli si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Matutunghayan natin sa Mabuting Balita ang matamis na pag ‘Oo’ ni Maria sa ibinalita ng Anghel. Ayon ito kay San Lukas kabanata isa, talata dalawampu’t anim hanggang tatlumpu’t walo.
EBANGHELYO: Lk 1:26-38
Sa ikaanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambayanan ni David; at Maria naman ang ngalan ng birhen.
Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya, sumaiyo ang Panginoon. Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito. At sinabi ng Anghel sa kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil maganda ang niloloob sa Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglihi ka at manganak ang isang lalaki at pangangalanganan mong Jesus. Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibigay sa kanya ng panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari sa angkan ni Jacob magpakailanman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.”
Sinabi ni Maria sa anghel: “ Paanong mangyayari ito gayong hindi ako ginalaw ng lalaki?” at sumagot sa kanya ang angel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kanyang kapangyarihan ng kataas-taasan kaya maging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayong ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kangyang katandaan, at nasa ikaanim na buwan na siyang itinuturing na baog. Wala ngang imposible sa Diyos.”
Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng Anghel.
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Maraming pagkakataon sa ating buhay na makakaranas tayo ng iba’t ibang uri ng pagsubok. Sa mga ganitong sitwasyon, hindi madaling sabihin na “yes, Lord, I trust in you.” Masasabi lamang ito ng isang taong napakalalim ang pananampalataya sa Panginoong Diyos. Sa Mabuting Balita natin ngayon, narinig natin na nagulumihanan si Maria sa pagbati ng anghel sa kanya. “Napupuspos ka ng biyaya”, “pinagpala ka sa mga kababaihan!” Mga kapatid, tayo rin – ikaw at ako – tayong lahat ay pinagpala ng Diyos. Totoo, “not in the same sense as Mary’s blessedness.” Pero pinagpala tayo ng Diyos, pinagkalooban Niya tayo ng napakaraming biyaya, upang magampanan natin ng buong katapatan at pagmamahal ang tungkulin natin sa daigdig. Hilingin natin sa Panginoon, sa tulong panalangin ng Mahal na Birheng Maria, na magampanan natin ang tungkulin natin sa mundo, nang naaayon sa Kanyang mahal na kalooban, Amen.