Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 10, 2023 – IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO (B)

BAGONG UMAGA

Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa Ikalawang Linggo sa panahon ng Adbiyento.  Pasalamatan natin Siya sa napakaraming biyaya at pagpapalang patuloy Niyang ipinagkakaloob sa atin hanggang sa sandaling ito.  Kamusta po ba ang ginagawa ninyong paghahanda sa nalalapit na Pasko? Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Sa Ebanghelyo ngayon, may mungkahi si Juan Bautista tungkol sa tamang paghahanda sa pagdating ng Panginoon, sa Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata isa, talata isa hanggang walo.

EBANGHELYO: Mk 1:1-8

Ito ang simula ng Ebanghelyo (o Magandang Balita) ni Jesukristo, anak ng Diyos. Nasusulat sa Propeta Isaias: “Ipinapadala ko ngayon ang aking sugo na mauna sa inyo para ayusin ang inyong daan. Narinig ang sigaw sa disyerto: ‘Ihanda ang daan para sa Panginoon, ituwid ang kanyang landas.’” Kaya may nagbibinyag sa disyerto—si Juan—at ipinahayag niya ang binyag na may pagsasamang pagsisi para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Nagpugtahan sa kanya ang lahat ng taga-Judea at mga naninirahan sa Jerusalem. Inamin nila ang kanilang kasalan at bininyagan sila ni Juan sa Ilog Jordan. May balabal na balahibong-kamelyo at pang-ibabang damit na katad ni Juan, at mga balang at pulot-pukyutang –gubat ang kinakain. At ito ang kanyang sinabi sa kanyang pangaral: “Parating na ang kasunod ko ang gagawa ang higit pa sa akin. Hindi nga ako karapat-dapat yumuko para magkalag ng tali ng tali kanyag panyapak. Sa tubig ko kayo bininyagan, at sa Espiritu Santo naman niya kayo bibinyagan.”  

PAGNINILAY

Isinulat ni Fr. Keiv Aires Dimatatac ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Isa sa mahalaga at pangunahing tauhan ng Adbiyento si San Juan at ang kanyang pag-bibinyag. Siya ang sinasabing magiging Propeta Elias, na maghahanda ng dadaanan sa pagdating ng Mesiyas. At sa unang bahagi ng Ebanghelyo ni San Marcos narinig natin ang katuparan ng propesiya. Narinig natin na isinasalarawan si San Juan, bilang ang tinig na sumisigaw mula sa ilang at nagpapahayag ng pagbabalik loob sa Diyos. Ang kanyang pagbibinyag at pangangaral ang syang magiging paraan sa paghahanda sa pagdating ng Mesiyas.  Binyag at pagbabalik-loob. Ang Adbiyento ay isang bagong simula ng taong pang liturhiya. Isa din itong panibagong simula para sa ating buhay espirituwal, katulad ng binyag. Isang grasya ng pagpapanibago at pagbabago. Pero sa ating mga Kristiyano, mayroong higit na malalim na kahulugan ang pagbabago. Tumutukoy ito sa panloob na pagkilos ng damdamin o tinatawag na pagbabalik-loob. Bumabalik tayo sa ating loob at sa kalooban ng Diyos, kung sino tayo at para kanino tayo. At dito napapaalalahanan tayo na sa simula pa lang, nilikha tayo ng Diyos at para sa Diyos.  Kung gayon, mga kapatid, itinuturo tayo ni San Juan patungo sa pagbabalik-loob sa Diyos at pagbabalik din sa ating orihinal na pagkakakilanlan. Nawa ang panahong ito ng Adbiyento ay maging mabiyayang panahon ng ating pagbabalik-loob.