Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 14, 2023 – HUWEBES SA IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO | San Juan dela Cruz, pari at pantas ng Simbahan

BAGONG UMAGA

Isang puspos ng kagalakang araw ng Huwebes sa Ikalawang Linggo ng Adbiyento.  Pasalamatan natin ang Diyos sa panahon ng Adbiyento, na patuloy na nag-aanyaya sa atin na ihanda ang sarili sa pagdating ng Panginoon.  Kamusta na po ba ang ating ginagawang paghahanda?  Harinawang ang Salita ng Diyos ang ating panuntunan at gabay sa ating paghahandang espiritwal.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Matutunghayan natin sa Mabuting Balita, ang mungkahi ni Hesus kung sino ang dapat nating tularan at hangaan, lalo na sa panahon ng Adbiyento. Atin nang kilalanin kung sino siya, sa Ebanghelyo ni San Mateo kabanata labing-isa, talata labing-isa hanggang labing-lima.

EBANGHELYO: Mt 11:11-15

Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Talagang sinasabi ko sa inyo, walang sinuman sa mga kilalang tao ngayon ang mas dakila pa kay Juang tagapagbinyag, pero mas dakila sa kanya ang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Mula sa panahon ni Juan Bautista hanggang ngayon, ang Kaharian ng Langit ay marahas na sumusulong at mga maylakas ang silang umaagaw nito. “Pagpopropesiya nga lamang ang panahon ng Mga Propeta at ng Batas hanggang kay Juan. At gusto n’yo itong tanggapin, si Juan ang Elias na darating. Makinig ang may tainga.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Miss Ronalyn de Guzman ang pagninilay sa ebanghelyo.  Marahil marami sa atin ang may mga kaniya-kaniyang iniidolo. Pero ang tanong, kung kikilalanin natin ang kanilang tunay na buhay – talaga kayang karapatdapat silang hangaan at gawing huwaran ng ating buhay? Sa Mabuting Balitang ating narinig, iminungkahi ni Hesus na gawin nating huwaran si Juan Bautista. Namumukod tangi sa lahat si San Juan Bautista. Ano nga bang pagpapahayag ang kanyang ginawa? Siya ang propetang nagdugtong sa Luma at Bagong Tipan, ang huling propeta bago ang pagdating ni Hesus. Isa sa mga hudyat na babalik ang Diyos ay ang kanyang pagpapahayag, pagbibinyag at pagsisisi sa kasalanan.  Sinisimbolo ng tubig ang paglilinis sa ating mga kasalanan. At sa tuwing pumapasok tayo sa simbahan, binabasbasan natin ang ating sarili ng agua bendita o holy water, tanda ng ating sinumpaan sa binyag.  Sa pagdating ni Hesus sa pasko, suriin natin kung malinis ba ang puso natin para kay Hesus. Pagsisisi, Pagpapatawad at Pagbabalik loob – ito ang pinakabuod at mensahe ni San Juan Bautista.  Mga kapatid, kinakailangan na bantayan natin ang ating mga sariling pananampalataya upang hindi tayo maligaw sa landas ng katotohanan.  Tayo ang unang lumayo sa Diyos at nagkasala, iyan ang katotohanan. Magkagayon pa man, patuloy pa rin tayong inaanyayahan ng Diyos na lumapit sa Kanya upang maghilom ang mga sugat ng ating kaluluwa na dulot ng kasalanan. Patuloy tayong minamahal ng Diyos, kahit paulit-ulit natin Siyang nasasaktan. Hinihintay lamang Niya ang ating pagbabalik-loob sa Kanya.

PANALANGIN

Panginoong mahabagin, sa aming paghahanda sa Iyong pagdating, dalangin namin na ilapit Mo po kami sa iyong kabanal-banalang puso sa sakramento ng kumpisal. Maikumpisal nawa namin ang lahat naming pagkakasala. Patuloy Mo nawa kaming tulungan na magbago hanggang sa huli, sa pamamagitan ng Iyong mga salita. Amen.