Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 22, 2023 – BIYERNES SA MGA HULING LINGGO NG ADBIYENTO

BAGONG UMAGA

Magandang-magandang araw ng Biyernes minamahal kong kapatid kay Kristo. Pasalamatan natin ang Diyos sa mga biyaya at pagpapalang patuloy N’yang ipinagkakaloob sa atin, ngayong damang-dama na natin ang kapaskuhan.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Magnificat ni Maria, sa Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata isa, talata apatnapu’t anim hanggang Limampu’t anim.  

EBANGHELYO: Lk 1:46-56

Sinabi ni Maria: Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon

at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking tagapagligtas

dahil isinaalang-alang niya ang balewalang utusan niya, at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi. Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan. Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t salinlahi. para sa mga pitagan sa kanya. Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig, Ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak. Pinatalsik niya sa luklukan ang mga may makapangyarihan, 

itinampok naman ang mga balewala. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom, 

at itinaboy ng walang-wala ang mga mayayaman. Nilingap niya nag Israel ng kanyang lingkod,

Inialaala ang kanyang awa. Ayon sa ipinako iya sa ating mga ninuno,

Kay Abraham at kanyang angkang magpakilanman.”

Mga tatlong buwan nanatili si Maria kasama si Elizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul.  Dalawang tulog na lang! Pasko na! Ganito kami ka-excited na magkakapatid noon, kapag malapit nang matapos ang Simbang Gabi. Tulog ang binibilang, hindi araw. Dala-dala ni Maria sa kanyang sinapupunan ang Anak ng Diyos, at buong pagkatao niya ay punumpuno ng kaligayahan. At katulad natin kapag nagsasaya, hindi natin maiwasan ang kumanta – si Maria rin ay umawit ng kanyang Magnificat! Nadama niya ang paglingap ng Diyos sa kanyang kababaan at nagpuri siya sa Panginoon. Habang pinakikinggan natin ang kanyang awit sa araw na ito, magandang tingnan din natin kung gaano tayo kaliit sa harap ng kadakilaan ng ating Diyos na may gawa ng langit at lupa. Sabi nga sa salmo: “Ano ba ang tao upang iyong pahalagahan; o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?”  Kapatid, anong mga biyaya ang natanggap mo o ginawa ng Diyos para sa iyo? Alalahanin mo ang ilan sa mga ito, at kasama ni Maria ay magpuri tayo: “Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon, at ang aking espiritu’y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas, sapagkat nilingap niya akong kanyang abang alipin! Mula ngayon, ang lahat ng tao’y tatawagin akong pinagpala; dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan. Banal ang kanyang pangalan!” Amen.